MULING binigyan ng pagkakataon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga kolorum o mga tsuper na hindi pumasok sa kooperatiba para sa franchise consolidation sa ilalim ng PUV Modernization Program.
Pero, para sa grupong MANIBELA, panakip-butas lang anila ang paandar ng gobyerno para sabihing matagumpay ang nasabing programa.
Buwan ng Abril ngayong taon lang sumali sa kooperatiba para sa franchise consolidation ang jeepney drayber na si Manong Rey.
Kuwento niya, naging maganda naman ang kinalabasan ng pagpasok niya sa kooperatiba para sa modernization program dahil tuluy-tuloy ang naging biyahe nito.
“Okay naman, nabawasan ‘yung mga jeep halos kalahati ‘yung nawala sa amin. Kaya, medyo maganda naman ‘yung biyahe namin. Kasi, ang ruta namin isa lang, wala kaming kaagaw,” ayon kay Rey Escanilla, Tsuper.
Payo niya sa iba, sumunod na lamang sa gusto ng gobyerno upang hindi mapilay ang hanapbuhay.
‘Yun nga lang may ilang tsuper pa rin noon ang hindi pa rin kumbinsido sa Public Transport Modernization Program.
Halimbawa na lang dito ang tsuper na si Junrey na ngayon pa lang desidido na sumali sa mga kooperatiba.
“Para mas maayos at legal ‘yung hanapbuhay mo para sa pamilya. Sakali ‘yun lang naman solusyon mas maganda na sundin natin,” wika ni Junrey, Tsuper.
Katunayan, muli kasing binuksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang aplikasyon sa mga tinatawag na kolorum na dyip o di kaya’y mga tsuper na hindi sumama noon sa konsolidayon.
Binuksan ng ahensiya ang franchise consolidation nitong Oktubre 15 at magtatagal hanggang sa Nobyembre 29.
Pero, hindi na ito tulad dati.
“Puwede kayong sumama doon sa mga kooperatiba na bumabaybay ng mga rutang ‘yan. It means you cannot form a new cooperative but can only join a cooperative. Ang exemption is kung ‘yung isang ruta ay wala pang kooperatiba or groups of jeepneys na bumabaybay you can form a cooperative any can traversed that area,” wika ni Atty. Teofilo Guadiz III, Chairman, LTFRB.
Aminado ang LTFRB na ginawa lamang nila ito alinsunod na rin sa kahilingan ng Senado.
Kung ipipilit pa rin aniya ng tsuper na hindi sumama sa kooperatiba – hindi tapos ang operasyon ng LTFRB sa mga kolorum.
Huli ang sinumang lalabag sa kampanya kontra kolorum, mai-impound ang sasakyan at maaaring pagmultahin ng P200,000.
Kumpiyansa ang ahensiya na maraming maidaragdag na PUJs sa mga kooperatiba.
“Ang estimate namin ay 5% to 8%. We have now 151,000 and 170,000 na existing jeep. Roughly about 7,000 to 8,000 pa ‘yan ang sasama,” dagdag ni Guadiz.
Mapakikinabangan din ng mga tsuper na sumama sa programa ang iba’t ibang insentibo ng gobyerno.
Gaya ng fuel subsidy na aabot sa P6,000 hanggang P10,000 at Service Contracting Program na aabot sa P20,000.
MANIBELA sa LTFRB: Panakip-butas lang ang reopening ng franchise consolidation para sa modernization program
Buwelta naman ng grupong MANIBELA, panakip-butas lang anila ang muling pagbubukas ng franchise consolidation ng LTFRB.
Ito anila ay para masabi ng pamahalaan na matagumpay ang kanilang programa kahit hindi naman totoo ang sinasabi na higit 80% na ng mga PUV sa bansa ang pumasok sa kooperatiba para sa modernization.
“Panakip-butas lamang ito doon sa mga kapalpakan sa pagpapatupad ng PTMP. Ito kasi ay kitang-kita natin ang ibinigay na datos ng LTFRB at DOTr ay pawang kasinungalingan lang at pawang gawa-gawa lang ang mga datos na ibinibigay sa atin,” saad ni Mar Valbuena, President, MANIBELA.
Sinabi pa ni Valbuena, marami nang tsuper na nasa kooperatiba ay nag-withdraw dahil wala umanong pakinabang ang programa.
Ano aniya ang nangyari sa 83% na PUVs na sumali sa kooperatiba – umusad ba aniya ang buhay ng mga ito?
Pero, bakit tila hirap pa rin ang mga tsuper sa arawang pamamasada.