Tone-toneladang kahoy na nakaharang sa dalampasigan ng Aparri dahil sa bagyo, nilinis ng SPM volunteers

Tone-toneladang kahoy na nakaharang sa dalampasigan ng Aparri dahil sa bagyo, nilinis ng SPM volunteers

TINAGGAL at nilinisan ng mga volunteer ng SPM ang mga nakaharang na mga kahoy sa dalampasigan ng Maura, Aparri sa Cagayan. Ito ay inisyatiba ni Pastor Apollo C. Quiboloy.

Ang Cagayan River ang pinakamalawak at pinakamahabang ilog sa buong Pilipinas, mayroon itong higit 500 kilometro ang haba, sa Cagayan River din nagtatagpo ang tatlong major tributaries kagaya ng Ilagan river, Magat River, at Chico River.

Kaya naman hindi na kataka-taka na tuwing dadaan ang mga bagyo ay sa Cagayan River tinatangay ang mga basura na hatid ng sama ng panahon.

At kung basura ang pag-uusapan, ang mga residente sa bayan ng Aparri sa lalawigan ng Cagayan ang huling sumasalo rito dahil ang nasabing bayan ay matatagpuan sa bunganga ng naturang ilog.

Kamakailan lang, sunud-sunod na bagyo ang humagupit sa Pilipinas kaya naman tone-toneladang kahoy mula sa kabundukan at karatig na bayan ang tinangay ng mga bagyo papunta sa dalampasigan ng Brgy. Maura sa bayan ng Aparri Cagayan.

Dahil dito, hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang mga volunteer ng Sonshine Philippines Movement (SPM) mula sa nasabing probinsiya at agad na inaksyonan ang naturang problema.

Kasabay ng isinagawang “KALINISAN TATAG NG BAYAN” Nationwide Cleanliness Drive na inisyatibo ni Senatorial aspirant Pastor Apollo C. Quiboloy daan-daang volunteer ang nakiisa at tumulong upang linisan ang dalampasigan.

Mga senior citizen sa lalawigan ng Cagayan hindi nagpaawat, sumabak sa paglilinis sa dalampasigan

Kahit mga senior citizen hindi alintana ang init at pagod maiparating lang ang kanilang suporta sa Butihing Pastor at upang ipakita ang kanilang pagmamahal para sa ating inang kalikasan.

Iba’t ibang sektor at ahensiya sa probinsiya ng Cagayan nakiisa sa ginawang “KALINISAN TATAG NG BAYAN” Nationwide Cleanliness Drive

Maliban sa mga SPM volunteer, nakisa rin ang lokal na pamahalaan ng Aparri sa katauhan ni Councilor Dian Dayag, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Cagayan, Bureau of Fire Protection Cagayan, Philippine Coast Guard, Cagayan, 95th Infantry Batallion sa ilalim ng 5th Infantry Division ng Philippine Army at marami pang iba.

Ayon kay Aparri Councilor Dian Dayag, malaking tulong para sa kanilang bayan ang naging inisyatibo ni Pastor Apollo na nagresulta sa pagkakaisa ng iba’t ibang grupo na kung saan buhay na buhay ang bayanihan.

“Napakagandang araw po nitong na experience namin ngayon dito sa bayan ng Aparri dahil makikita nyo po ang community na nagsasama-sama at may iisang adahikain na linisan unang-una sa lahat ‘yong isa sa pangunahing source of livelihood namin dito sa bayan ng Aparri yong pangingisda after namin tinamaan ng anim na sunud-sunod na bagyo ay nagsama-sama ang ating community nag naglilinis ng ating coastal areas,” wika ni Dian Dayag, Councilor, Aparri, Cagayan.

Para naman kay Apprentice Seaman Jerald Fernando ng Coast Guard Station Cagayan mahalaga sa kanila ang naturang aktibidad dahil kasama sa mandato ng mga coast guard ang pangalagaan ang kalikasan.

“Una sa lahat po nagpapasalamat po muna kami dahil naimbitahan po ang Philippine Coast Guard sa activity na to kumbaga ‘yong activity na ‘to is mahalaga sa amin kasi sa Philippine Coast Guard is isa ito sa five function ng PCG kaya ang tawag namin dito ay invironmental protection kaya mahalaga sa amin na alagaan natin at panatilihing malinis ang ating karagatan,” ayon kay ASN. Jerald Fernando, Coast Guard Station, Cagayan.

Sinabi naman ni former Cagayan Economic Zone (CEZA) Director Dominador “Ambo” Dayag regular na ang kanilang ginagawang paglilinis sa kanilang lugar ngunit hindi ito sapat kaya naman labis ang pasasalamat nito sa naging inisyatibo at programa ng kalinisan ni Pastor Apollo.

“Ito ay ginagawa na ng organization ko sa Aparri ngunit hindi pa rin ito sapat yong aming grupo na malinisan ang buong baybayin ng Aparri so ako po ay nagpapasalamat sa inyo kay Pastor Apollo C. Quiboloy sa kanyang pag-initiate dito para sa Kalinisan: Tatag ng Bayan. Nakita ko naman yong spread ng inyong suporta,” ani Dominador “Ambo” Dayag, Former Director, CEZA.

Present din sa paglilinis ang grupo ng kabataan na Keepers Club International.

“Talagang napakasaya talagang ramdam mo ‘yong kasiyahan na makatulong sa ating Inang Kalikasan lalong-lalo na sa inisyatibo ng ating pinakamamahal na Pastor lalong-lalo na sa member of Keepers Club International katulong po ang mga kabataan na Grade 12 student mga college talagang makikita mo sa kanila yong ngiti na makatulong sa ating bansang Pilipinas” wika ni Melvin Tadena, Roxas, Isabela, Keepers Club International.

Para naman sa ministro ng Kingdom of Jesus Christ mula sa Quirino Isabela na si George Turqueza na ang ganitong programa matagal nang ginagawa ng Butihing Pastor at nais aniya nito na gawin din ang paglilinis sa buong bansa.

“Nagpapasalamat po tayo sa ating pinakamamahal na Pastor, Pastor Apollo C. Quiboloy, ito talaga ang layunin ni Pastor na mai-spread po sa hindi lang sa KOJC kondi sa buong bayan na magkaroon ng ganitong gawain,” saad ni George Turqueza, Minister, Quirino Isabela, KOJC.

Sa huli, nais ng mga taga-Cagayan partikular na sa bayan ng Aparri na magtuluy-tuloy ang tulong at suporta ni Pastor Apollo sa kanilang lugar.

“So ang message po naman kay Pastor Apollo C. Quiboloy sana po ay tuluy-tuloy pa rin yong mga activities na ganito upang maipakita natin sa mga ibang ahensya at ibang tao na kailangan nating panatilihing mailinis ang ating karagatan.”

“Sa nag-initiate po ng advocacy na to ‘yong Kalinisan: Tatag ng Bayan na si Pastor Apollo C. Quiboloy maraming-maraming salamat po sa inyo Pastor sa inyong inisyatibo ito po ay malaking tulong para sa aming bayan at sa buong komunidad po ng bayan ng Aparri maraming-maraming salamat po.”

“Ito po ay sana ay hindi po ito ang last at hindi po ito ‘yong una kondi patuloy ang programang ito hidi lamang sa bayan ng Aparri kondi sa buong Cagayan at sa buong Pilipinas,” ayon kay ASN. Jerald Fernando, Coast Guard Station, Cagayan.

“At ako’y nagpapasalamat talaga ng taos-puso sa inyo na maski na ito sa napakaliit naming bayan ay nararating ninyo dahil po sa inyong pagmamahal sa ating bansang Pilipinas” wika ni Dominador “Ambo” Dayag, Former Director, CEZA.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble