INAASAHAN na ang pag-iimbestiga ng Senado kaugnay sa isiniwalat ni Senator Panfilo Lacson sa umano’y P6-B kickback scheme o “tongpats system” na kinasangkutan ng mga opisyal sa Department of Agriculture (DA).
Susuriin ng Committee of the Whole ang mga alegasyon ng isang “tongpats” system na gumagalaw sa loob ng ahensiya ng DA kung saan ay kumukolekta ang mga opisyal ng P5 hanggang P7 bilang kickback sa bawat kilo ng imported na karneng baboy.
“Nasaan na ang konsensiya ng mga taong iyan, who, in the middle of a deadly pandemic, nagsasamantala pa para pagsamantalahan ang African Swine Fever?” kuwestyon ni Lacson.
Layunin ng mga senador na makapagsagawa ng unang pagdinig bago ang break ng Kongreso sa Marso 27.
Siniguro naman ni Agriculture Secretary William Dar na iimbestigahan ng kanilang ahensiya ang umano’y mga sindikato na nagpapataw ng tongpats sa pork imports.
Tiniyak din ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi pa rin nawawala ang pagtitiwala ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kay Dar.
Ito’y sa kabila ng mga panawagan na magbitiw na ang kalihim sa tungkulin matapos ang pagtaas ng presyo ng mga produkto ng karne at ang mabagal na pagtugon sa ASF outbreak.
“Sa pagre-resign, may tiwala pa rin po ang ating Presidente kay Secretary Dar. Sa lahat po ng mga member ng Cabinet, we continue to work or remain in our duties for as long as the President has full trust and confidence in us,”ayon kay Roque.
(BASAHIN: Price ceiling ng karneng baboy at manok, mananatili hanggang Abril 8)