Top cop ng PNP Region 3, iimbestigahan din

Top cop ng PNP Region 3, iimbestigahan din

PAIIMBESTIGAHAN na rin ng Philippine National Police (PNP) kasama ang mismong Regional Director ng PNP Region 3 dahil sa posibleng kapabayaan nito kaugnay ng nadiskubreng ilegal na aktibidad ng POGO sa Bamban, Tarlac at scam farm sa Porac, Pampanga.

Ito ang tinuran ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil sa panayam ng media sa Kampo Krame Lunes, Hunyo 24, 2024.

‘Unreported killings’ sa 2 POGO sa Tarlac at Pampanga, kinumpirma ng PNP

Samantala, kasama rin sa iniimbestigahan dito ang diumano’y unreported killings sa dalawang ilegal na POGO hub.

Nauna nang naitala rito ang reklamong kidnapping, torture, human trafficking, scamming, at mga posibleng nawawalang katawan ng mga biktima nito na halos mga dayuhan.

“Bakit, nerelive ‘yung provincial director and the chief of police? Kasi may mga killings ‘dun na hindi naimbestigahan nang mabuti, hindi kasi siya normal eh, sa ibang bagay dapat bakit may mga foreigner na namamatay na doon na dapat pinaimbestigahan na nila. Asan ba nanggagaling ito? Nagiging natural sa kanila ‘pag ganyan, dapat hindi. Sa Bamban, why do we need to relieve all these people? Again, ganun rin may mga unfounded bodies but I don’t want to say na protector kasi wala naman talagang protector,” ayon kay PGEN. Rommel Francisco Marbil, Chief, PNP.

Narelieve sa puwesto ang mga tauhan ng Bamban Municipal Police Station, Hepe ng Porac Municipal Police Station at Provincial Director ng Pampanga dahil sa posibleng kapabayaan ng mga ito na i-monitor ang aktibidad ng mga ilegal na POGO.

Mga pulis na protektor ng ilegal POGO sa bansa, binalaan ng DILG 

Babala naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga local government unit (LGU) kasama na ang mga pulis na diumano’y protektor ng mga ilegal na POGO, mahaharap sila sa parusa kasunod ng mga isinasagawang pagsisiyasat ng kanilang tanggapan kasama ang PNP at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Kamakailan lamang nang suspendihin ng gobyerno si Bamban Mayor Alice Guo dahil sa diumano’y koneksiyon nito sa malaking operasyon ng POGO sa kaniyang bayan habang pinag-aaralan din ng DILG at PAOCC ang posibleng kapabayaan ng LGU ng Porac at lalawigan ng Pampanga sa ilegal na operasyon ng scam farm sa lugar.

“Yan na ‘yung ginagawa ng Pampanga si Vice Gov. Pineda, nagkakaroon na sila ng imbestigasyon ukol dito. Mayroon na rin kaming Task Force na ginawa rin tungkol rito na pinapacheck namin kung ito ay talaga ay may mayors permit kasi medyo magulo ‘yung statement. May nagsasabi na mayroon, may nagsasabing wala. Pinapatingnan ko ito kasi kung may permit ito wala namang lisensiya ito. Remember 2 years ago ako mismo ang nag raid sa Lucky 99 in Angeles, I was surprised bakit itong same company nandun naman dito sa Porac at ganoon ang nangyari. So, lahat ‘yan tinitingnan ng ating task force,” ayon kay DILG Sec. Benhur Abalos.

300 na POGO sa bansa, 43 lamang ang legal—DILG

Batay sa tala ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), hindi bababa sa 300 POGO ang naitala nilang nag-ooperate sa bansa pero nasa 43 lamang dito ang legal at may permit na matatagpuan sa Metro Manila at Kawit, Cavite.

“Itong listahan na ito klaro na outside Metro and Cavite, outside of that, kunwari makakita ka sa Pampanga o sa Tarlac, sigurado, iligal na yan,” ani Abalos.

Tiniyak naman ng PNP, na hindi sila titigil sa pakikipagtulungan sa iba pang yunit at ahensiya ng pamahalaan para tuluyang masugpo at matigil ang ilegal na mga gawain nito na pugad ng malalaking krimen at katiwalian.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble