MARIING kinuwestiyon ng Citizens Crime Watch ang pagbusisi ng House Committee on Legislative Franchise sa prangkisa ng Sonshine Media Network International (SMNI).
Saad ng national chairman nito na si Atty. Ferdie Topacio, puwedeng talakayin ang inirereklamong issue ng umano’y P1.8-B travel funds ng Office of the Speaker sa Committee on Public Information.
Diin ni Topacio, halatang panggigipit sa network ang hearing sa Franchise Committee dahil nagtatanong lang naman ang isang anchorman kung totoo ba ang issue sa P1.8-B.
Naniniwala naman si Topacio na hurisdiksiyon ng Kamara ang franchise review at walang magagawa rito ang ibang ahensiya.
Pero ayon sa abogado, halatang panggigipit ang resulta ng hearing sa Mababang Kapulungan at nagbibigay aniya ito ng takot sa iba pang news organizations na maging kritikal at magtanong kung paano ginagamit ang pera ng bayan.
Nauna nang nilinaw ng Kamara na hindi P1.8-B kundi mahigit sa P4-M lamang ang nagastos ng Office of the Speaker sa foreign travels ngayong taon.