NABAWASAN ang pondo ng ilang proyekto ng maraming ahensiya ng gobyerno sa 2025 national budget.
Kabilang sa tinamaan dito ang ilang mga programa ng Department of Tourism (DOT) partikular ang budget para sa branding & promotions ng ahensiya.
Ayon kay DOT Secretary Christina Garcia-Frasco, ang budget ng nasabing programa sa National Expenditure Program (NEP) ay nasa P500M subalit nang ilabas ang General Appropriations Act (GAA), nasa P100M na lamang ito.
“The most affected by the change from the NEP to the GAA would be the budget for branding and promotions of the Philippines to our markets all over the world.”
“The challenge of a very limited funding for branding and promotions is the difficulty of making sure na iyong presensiya ng Pilipinas sa consciousness ng mga potential travelers and markets around the world is always there,” saad ni Sec. Christina Garcia-Frasco, DOT.
Kabilang sa maaring maapektuhan ng pagbawas ng pondo para sa branding & promotions ay ang ‘Love the Philippines’ campaign ng Tourism Department kasama rin ang mismong mga tourist destination.
Inaasahan ding maaapektuhan ang tourism arrivals.
“Considering that the lesser opportunity that we have to market the Philippines, the lesser chances that there are to reach as many markets or as many people as we wish,” ani Frasco.
Samantala, ibinahagi ni Frasco na ginagawa ng ahensiya ang lahat ng pagsusumikap para tumaas ang tourism arrivals sa Pilipinas.
Gayunpaman, may ilang hamon na kinakaharap ang bansa na nakaapekto sa bilang ng mga turistang bumibisita rito.
Mula sa target na 7.7 million arrivals noong 2024, ayon sa kalihim, nasa 5.9 million na lang ang dumating.
Kabilang sa nakikitang dahilan ng DOT chief ang geopolitical issues na nakaapekto sa tourist arrivals mula sa China.
Inaasahang yayabong pa sana ang Chinese market sa Pilipinas lalo na noong inilunsad ang Philippine electronic visa system.
Pero tatlong buwan matapos ang launching ng nasabing e-visa operation ay inanunsiyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagsuspinde ng pag-isyu ng e-Visa sa Chinese nationals.
“So, napakalaking challenge nito kasi originally iyong prinoject [project] namin ay upwards to two million iyong dadating na Chinese tourists, iyong dumating lang by the end of 2024 was a little over 300,000. So, this negative recovery has greatly impacted our ability to reach the targeted projections,” aniya.
Sa kabilang banda, iniulat ng DOT na isa rin sa patuloy na nangungunang source market ng Pilipinas ang mga dayuhang turista mula sa South Korea.