DINALUHAN nina Sen. Lito Lapid at Mark Lapid, COO ng TIEZA – Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority ang tourism forum ng local government units, tourism officers at tourism students sa Eastern Samar State University (ESSU) sa Borongan City.
Sa nasabing forum, sinusuportahan ng mag-amang Lapid ang pagbuo ng isang komprehensibong tourism master plan sa buong lalawigan.
“Mahalaga ang turismo sa ating bansa, ito ang nakikita kong magbibigay ng solusyon sa problema ng kahirapan at kagutuman sa mga probinsya at bayan. Maraming magagandang beaches, lumang simbahan, mga waterfalls, kweba at iba pang tanawin sa Eastern Samar. Makalilikiha ito ng trabaho sa lahat, kabilang na ang mga tricycle drivers, bangkero at maging tourist guides,” ani Lapid.
Isinusulong ni House Minority leader Marcelino Libanan ang isang tourism master plan para sa mga hakbang, mga plano at programang magpapalago at magpo-promote ng turismo, kultura at tradisyon hindi lang sa Eastern Samar kundi sa buong Eastern Visayas region.
Sinabi ni Kuya Mark na ilang proyektong nakalatag na at meron na rin ginagawa na sa iba’t ibang bayan sa Eastern Samar.
Maraming tourist spots din aniya sa lalawigan ang hindi pa masyadong na-i-explore ng mga turista dahil sa kakulangan ng maayos na mga pasilidad, transportasyon, elektrisidad, imprastraktura at hotel accommodation dito.
Dumalo sa forum ang 250 participants, kabilang na ang ilang mayors, municipal tourism officers, municipal planning and dev’t officers at mga tourism student mula sa Eastern Samar State University (ESSU).