TINIYAK ni incoming Tourism Secretary Christina Frasco na uusbong ang turismo sa Mindanao Region.
Ito’y sa kabila ng pagpuna kamakailan ng isang journalist sa plano nitong buhayin ang turismo sa nasabing lugar.
Ayon kay Frasco, nais niyang mabago ang pananaw ng journalist na si Raissa Robles na sinabing ikatutuwa ng Abu Sayyaf Group ang planong pagbuhay sa turismo ng Mindanao dahil magkakaroon ang mga ito ng mas maraming “potential kidnap victims.”
Dagdag ni Frasco na ang kritisismo ni Robles ay isang pagkakataon upang makapagtrabaho kasama ang mga taga-Mindanao at patunayan sa buong mundo na ang rehiyon ay karapat-dapat ng kinakailangang atensiyon.
Aniya ang Mindanao ang may pinakamagandang tourist destinations sa bansa.
Pero dahil sa mga hamong kinakaharap ng peace and order sa rehiyon dulot ng mga masasamang elemento aniya, nahadlangan nito ang full development ng Mindanao.
Kaya aniya dapat maipagpatuloy sa susunod na administrasyon ang programa ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa peace and order.
Dagdag pa ni Frasco na magagawa rin ito kung hindi papansinin ang mga hindi patas na panghuhusga sa nasabing lugar at matiyak na makatatanggap ng sapat na tulong at serbisyo ang naturang rehiyon.
Samantala, tiniyak naman ni Frasco na siya ay magiging ‘listening’ secretary sa ilalim ng kaniyang pamumuno sa Tourism Department.
Bibigyan aniya ng kagawaran sa ilalim ng kaniyang pamumuno ng pantay na oportunidad ang bawat lugar sa bansa upang umusbong ang kani-kanilang turismo.