Tourism workers, umaasa na muling sisigla ang turismo sa El Nido

Tourism workers, umaasa na muling sisigla ang turismo sa El Nido

NABUHAYAN ng pag-asa ang ilang tourism workers sa El Nido Palawan sa gitna ng umiiral na COVID-19 pandemic.

Umaasa sila na manunumbalik ang sigla ng isla kasunod ng pagbubukas ng border ng Pilipinas para sa mga dayuhang turista.

Turismo ang isa sa pangunahing kabuhayan sa El Nido, pero nang tumama ang pandemya, marami ang naapektuhan at isa na rito ang mga local tour guide.

Isa ang El Nido Palawan sa tinaguriang Best Island in the World dahil sa bughaw nitong dagat at malaperlas na mga buhangin.

At sikat din ito dahil sa naglalakihang mga isla na kaliwa’t kanan mong matatanaw.

Turismo ang isa sa mga pinagmumulan ng kabuhayan sa El Nido kaya’t nang tumama ang pandemya marami ang naapektuhan.

Isa nga rito ang ilang tourist van drivers na ilang taon na rin nagtatrabaho sa El Nido.

At simula raw kumalat ang COVID-19 sa bansa, naging matumal ang kanilang trabaho dahil naging mahigpit ang restriction at hindi na gaanong dinadagsa ang isla ng mga turista.

Kayat si Kuya Alex, tourist van driver, umaasa na lamang sa ayuda na natatanggap niya mula sa gobyerno.

“Malaking tulong na rin sa amin kasi sa dalawang taon na nagkaroon ng pandemic, umaasa na lang kami sa ayuda ng gobyerno. Tapos ngayon nagpapasalamat kami kasi unti-unti nang bumabalik ‘yung turista ng Palawan,” ayon kay Kuya Alex.

Malaki rin ang pasasalamat ni Kuya Marlon, tourist van driver, dahil muli ng pinayagan ang pagbubukas ng border ng Pilipinas para sa mga foreign traveler mula sa mga free visa countries.

“Noong pandemic dito sa amin talagang wala, pahinga talaga kami halos dalawang taon, kung ano lang pwedeng trabaho ‘yun lang muna. Wala talaga kaming byahe, standby talaga kami. Masayang-masaya ako na may mga turista na pong dumarating dito sa amin, sana tuloy-tuloy na,” saad ni Kuya Marlon.

Habang ang mga beach tour guide ay ikinagagalak din ang sumisiglang isla.

Nakilala ko ang grupo ni Kuya Ruben na matagal-tagal na ring nagtatrabaho bilang beach tour guide sa isang kilalang hotel sa Barangay Villa Libertad ng El Nido.

Ani Kuya Ruben, sektor ng turismo ang isa sa mga pinadapa ng COVID-19.

Dahil ilang establisimyento sa Palawan ang nagsara dahil sa pagkalugi kung saan ang dati rating hindi mahulugan ng karayom sa dami ng turista, ngayon biglang ito naglaho na parang bula.

Pero, ngayong bumubuti na ang bansa mula sa COVID-19 at lumuluwag na rin ang restriction sa Palawan, hudyat ba raw ito na muli nang sisigla ang El Nido Palawan.

“Para sa aming mga locals dito sa El Nido, isang malaking opportunity ang pagbubukas ulit ng international flights dito sa aming bayan na kung saan malaking tulong po talaga dito sa aming mga locals na magbalik ‘yung turismo namin dito sa El Nido,” ayon kay Kuya Ruben.

Aniya, karamihan sa mga turista na bumibisita sa El Nido Palawan ay halos taga Europa.

Pero, maliban sa mga foreign traveler, mas marami pa rin daw ang mga Pilipinong turista na dumadagsa.

“Normally local pa rin, Filipino and the next is European. Mas na-a-appreciate nila (Pilipino) ‘yung hirap at pagod ng serbisyong ginagawa namin,” ani Kuya Rizal.

Sobrang hirap naman para kay Kuya Rizal ang naging epekto ng pandemya dahil naging matumal ang kanyang trabaho bilang tour guide.

Dahil rito, pamilya niya ang naging sandalan niya at naging inspirasyon para ipagpatuloy pa rin ang kanyang trabaho.

“Unang-una humuhugot ako sa aking pamilya, sa aking mga anak lalong-lalo na sa mga nagtitiwala sa akin,” ayon sa isa pang local tour guide.

Kaya naman ngayong summer, patok ito sa mga turista na nais mag—-relax at mag-enjoy kasama ang kanilang pamilya, kaibigan at kabiyak sa buhay.

Ibinahagi naman ni Ms. Jannica Aurelio, Communication Specialist ng Provincial Environment and Natural Resources Office ng El Nido Palawan kung bakit Palawan ang isa sa mga pinupuntahan.

“Maganda ang Palawan dahil isa nga ito sa kilala na one of the most and best beaches sa ating bansa at sa buong mundo. Maliban dito patuloy ang ginagawa ng ating provincial government katuwang ang iba’t ibang agency katulad ng DENR sa patuloy na pagsasagawa ng paglilinis ng ating mga isla, ng mga dagat, pagtanggal ng mga marine debris  para sa gayun ay patuloy na mas maging malinis at kaaya-aya ang Palawan sa buong mundo,” ani Aurelio.

“Bilang pagbubukas po ng aming turismo dito sa Palawan, inaasahan po namin na muli nyo kaming dagsain at ma-i-enjoy ang napakagandang isla ng Palawan,” dagdag pa nito.

Umaasa ang PENRO DENR El Nido Palawan na sa pamamagitan ng pagbubukas ng bansa para sa mga foreign traveler ay tataas pa ang bilang ng mga turista na bibisita sa El Nido Palawan na malaking tulong sa ekonomiya ng isla.

BASAHIN: Ilang tourism frontliner sa Boracay Island, pilit bumabangon mula sa dinaranas na kahirapan

Follow SMNI News on Twitter