BUKOD sa Petronas Towers sa Malaysia o mas kilala sa Twin Towers, may mga tourist spots pang ipinagmamalaki ang Malaysia na budget friendly o hindi kailangang gumastos para makapasok.
Iyan ang ating tinutukan sa ating pagbisita dito sa Malaysia – mga tourist spot nila na walang entrance fee at tiyak na maeenjoy ng mga turista.
Kapag Malaysia ang pinag-uusapan, ang tanyag na Twin Towers sa Kuala Lumpur kaagad ang pumapasok sa isipan ng mga turista.
Pero alam mo ba na napakayaman ng turismo ng bansa at maraming tourist spots ang pwedeng mapuntahan dito?
At sa ating pag-iikot sa Malaysia, ating binisita ang mga sikat na tourist spot na budget friendly o walang entrance fee.
Kung ikaw ay mahilig sa kasaysayan, dapat mong mapuntahan ang Dataran Merdeka o ang Independence Square.
Isa to sa mga makasaysayang lugar dito sa Malaysia kung saan unang itinaas ang Malaysian flag na sumisimbolo ng kanilang kalayaan mula sa kanilang mga mananakop.
Alas dose ng madaling araw ng August 31, 1957 nang ibinaba ang bandila ng Union Jack at itinaas ang Malaysian flag.
Makikita ang Dataran Merdeka sa harap ng Sultan Abdul Samad building.
Simula noon, dito na isinasagawa ang taunang Merdeka Parade o Independence Parade.
Dinarayo rin ng mga turista ang Batu Cave sa Gombak District na isang limestone hill na binubuo ng mga kweba at kwebang templo.
Upang makapunta sa loob ng mga kweba, kinakailangan mong umakyat sa hagdanan na ito.
Ito lang naman ay may 272 hakbang.
Makikita rin dito ang estatwa ni Lord Murugan na may taas na 42.7 meters.
Kapag ikaw naman ay nasa itaas matatanaw mo ang bahagi ng Kuala Lumpur.
Bukod sa pagbisita sa kweba, pwede ka ring magpakain ng mga kalapati at mga unggoy dito.
Para naman sa mga mahilig sa Indian culture, huwag mong palagpasing mapuntahan ang Little India Brickfields dito sa Kuala Lumpur.
Tinawag itong Little India dahil ang lugar na ito ang may pinakamataas na bilang ng mga Indian businesses at may pinakamalaking populasyon ng mga Indian.
Mula sa makukulay na dekorasyon hanggang sa mga imprastraktura, talagang masasabi mong para ka na ring nasa India.
Siguraduhing nakahanda ang iyong pocket money para sa iyong pagsho-shopping.
Ilan din sa dapat mabisita sa Malaysia ay ang China Town sa Kuala Lumpur at ang Putrajaya na 30 minuto ang layo mula sa KL.
Sa Putrajaya, maaring mabisita ang Putra Mosque at ang Perdana Putra kung saan makikita ang tanggapan ng prime minister.
Hindi makakaila na sa dinami rami ng maaring mapuntahan, makita at matikman sa Malaysia, dinarayo ito ng mga turista mula sa iba’t ibang bansa.