LUMAGDA ng kasunduan ang Bureau of Corrections (BuCor) na magpapalakas sa kanilang reintegration program sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Tulad ng local government units (LGU), partikular sa mga lugar kung saan muling pagsasama-samahin ang mga person deprived of liberty (PDL).
Kabilang dito ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Commission on Higher Education (CHED), Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH) Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang stakeholder mula sa pribadong sektor.
Sinabi ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. na gagawin ang training skills at pag-aaral ng mga PDL habang sila ay nasa Bilibid pa.
“Para sa ganun, paglaya nila hindi lang sila na reform, na reintegrate sila sa society.”
“Depende sa trabaho nila, so kailangan may skills training.”
“Katulad ni Ramon Ang, sabi niya maglalagay ako ng skills training facility dito para ‘yung lalaya kukunin ko na para deretso sa kumpanya niya,” saad ni Gregorio Pio Catapang Jr., Director General, BuCor.
Lumagda rin ng kasunduan ang BuCor sa isang kompanya ng negosyo na BP One Foods Inc. na magbibigay ng trabaho sa mga PDL na nakalaya na.
Sa ilalim ng MOA, ang BuCor sa pamamagitan ng Directorate for External Relations (DER) ang mananagot para sa pagpapatupad ng pre-release at post-release reintegration programs para sa dating PDL, na kinabibilangan ng pagkuha ng suporta mula sa pamilya at komunidad bago ang panahon ng pagpapalaya at pagtiyak ng pagtanggap mula sa pamilya at komunidad pagkatapos ng paglaya.
Samantala, kasabay ng 30th National Correctional Consciousness Week, nakalaya na ang karagdagang 240 na mga PDL mula sa iba’t ibang prison and penal farms sa New Bilibid Prison, Muntinlupa nitong Lunes, Oktubre 21, 2024.
Sa bilang na ito, umabot na sa kabuuang 6,110 ang PDL na nakalaya na mula Enero ngayong taon.
Sinabi ni Catapang Jr. na sa mga nakalayang bilanggo, 124 na ang nakapagsilbi na sa kanilang maximum sentence, 30 ang naabsuwelto, 16 ang under probation, 69 ang nabigyan ng parol, at 1 ang turn over sa kulungan (kasama ang iba pang nakabinbing kaso).
“Asahan nyo po, may mga kasama din po kayo na lalaya na sa mga susunod na panahon, at sa tulong din po ng BPP at PPA para sa executive clemency, makakatulong ito sa ating decongestion,” ayon naman kay Usec. Deo Marco, Department of Justice (DOJ).