Tracker team ng CIDG, patuloy ang pagtugis kina Bantag, Zulueta—PNP

Tracker team ng CIDG, patuloy ang pagtugis kina Bantag, Zulueta—PNP

PATULOY ang pagtugis ng Philippine National Police (PNP) kina dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at dating BuCor Superintendent Ricardo Zulueta kaugnay ng pagpaslang sa radio broadcaster na si Percy Lapid.

Sinabi ni PNP Public Information Office (PIO) chief Police Brig. Gen. Redrico Maranan na walang tigil ang tracker team ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa pagtunton sa kinaroroonan nina Bantag at Zulueta.

Ayon kay Maranan, nakikipag-ugnayan na ang CIDG sa iba pang ahensiya ng gobyerno lalo na sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa mabilis na pagdakip sa dalawa.

Nilinaw rin nito na hindi miyembro ng PNP si Bantag matapos lumutang ang anggulo na may proteksiyon ito mula sa pulisya.

Paliwanag ni Maranan, si Bantag ay opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) bago maitalaga sa BuCor.

Sinuman aniya ang magtatago sa dalawa ay maaaring mahaharap sa kaukulang reklamo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter