Tradisyon sa Wattah Wattah Festival sa San Juan City, muling na-enjoy ng mga residente

Tradisyon sa Wattah Wattah Festival sa San Juan City, muling na-enjoy ng mga residente

MULING na-enjoy ng mga residente ang tradisyunal na basaan sa Wattah Wattah Festival sa San Juan City matapos itong iniwasan ng 2 taon dahil sa pandemya.

Sa Pinaglabanan Street, kitang-kita ang kasiyahan sa mga residente habang isinasagawa ang matagal na nilang tradisyon.

Tatagal ng 6 na oras ang basaan sa lungsod na opisyal na nagsimula kaninang alas-7 ng umaga at matatapos ng ala-una ng hapon.

Sa kabila ng maligayang selebrasyon ng Wattah Wattah Festival, may mahigpit na bilin ang San Juan City Government upang hindi maging COVID-19 super-spreader event ang nasabing pagdiriwang.

Kabilang na rito ang pagsusuot ng face mask habang nagbabasaan.

Una na ring sinabi ni San Juan City Mayor Francis Zamora na base sa guidelines ng pandemic task force ay pinapayagan ang nasabing pagdiriwang sa ilalim ng Alert Level 1.

Sa gagawing basaan, ipinagbabawal ang paggamit ng maruming tubig, tubig na nakalagay sa anumang materyal na maaaring makasakit, water bomb, sapilitang pagbubukas ng anumang sasakyan at pagpasok sa mga pampublikong sasakyan upang mambasa ng mga pasahero.

Huhulihin at pagmumultahin naman ang mga indibidwal na lalabag sa mga alituntuning nabanggit.

Multa sa mga lalabag sa alituntunin ng Wattah Wattah Festival:

1st offense: multang P2,500 at 1 araw na community service

2nd offense: multang P3,500 at 3 araw na community service

3rd offense: multang P5,000 at 1-6 na araw na pagkakakulong

Source: San Juan City Government

Bukod sa tradisyunal na basaan, nagsagawa rin ang San Juan LGU ng water motorcade at street dancing competition.

Follow SMNI NEWS in Twitter