Transport group sa LTFRB: Petisyon gawing P15 ang minimum na pasahe sa tradisyunal dyip dapat nang aprubahan na halos 3 taon nang nakabinbin

Transport group sa LTFRB: Petisyon gawing P15 ang minimum na pasahe sa tradisyunal dyip dapat nang aprubahan na halos 3 taon nang nakabinbin

HINDI na makatwiran ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo sa mga produktong petrolyo pagpasok pa lang ng bagong taon ayon sa ilang transport group.

Hindi na kaya ng mga tsuper ang walang humpay na pagtaas ng presyo sa mga produktong petrolyo sabi ng grupong ALTODAP.

Nasa Ikatlong sunod-sunod na linggo na kasing nagpatupad ng oil price hike ang mga kumpanya ng langis ngayong buwan ng Enero.

Simula alas sais ng umaga ng Martes, Enero 21 ay halos tatlong piso ang dagdag-presyo sa diesel, at kerosene habang halos dalawang piso sa gasoline.

Ang grupong Pasang Masda, ALTODAP at ACTO taong 2022 pa naghain ng petisyon sa LTFRB para hilingin piso hanggang tatlong pisong taas-pasahe sa tradisyunal at modernized jeep.

Hindi ito napagbigyan ng ahensya dahil sa unti-unting nang bumaba ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Pero – ngayong 2025 hindi na katanggap-tanggap ang pagtaas sa presyo ng langis.

Ang rollback ng mga industry player ay kakarampot lang kumpara sa ipinapatupad nilang oil price hike.

‘’Ang masakit sa amin nito ay nahirapan na ang ating mga tsuper ngayon dahil halos wala ng kinikita 16 to 18 hours silang namamasada tapos iuuwi mo magkano lang,’’ ayon kay Boy Vargas President, ALTODAP.

Dagdag pa ng ALTODAP, pag-uusapan pa nila kung maghahain ba ng bagong petisyon para sa taas-pasahe sa dyip.

Posble kasing hindi sasapat kung gagawing P15 lang minimum na pasahe sa tradisyunal at P17 naman sa modernized.

Daan-daang piso na kasi kada araw ang nawawala sa kita ng mga tsuper na mailaan pa sana pambili ng pagkain sa pamilya.

‘’Napakalaki, tingin ko pinakamababang nawawala sa kanila mga P300,’’ saad ni Vargas.

Hiling lang ng grupong Pasang Masda sa mga mananakay na intindihin sila sa kanilang hirit na taas-presyo.

‘’Kailangan nating mapaki-usapan at maunawaan tayo ng ating mananakay sapagkat ito ay pansamantala lamang. Hindi ito permanent, provisional increase lang ito kung babalik tayo sa normal ang presyo (jump) puwede naman natin i-request sa LTFRB na ibalik tayo sa dating normal na P15 sa modernized at P13 sa traditional na jeep,’’ ani Obet Martin President, Pasang Masda.

Bukas ng Huwebes, Enero a-bente tres ay makikipagpulong ang mga nabanggit na mga grupo kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III para sa kanilang hiling na taas-pasahe.

Pero, una na ring sinabi ni LTFRB na pinag-aaralan na nila ang petisyong ito.

Isinasaalang-alang din ng LTFRB ang posibleng epekto nito sa komyuter.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter