Trapiko ngayong holiday season, hindi pa malala—MMDA

Trapiko ngayong holiday season, hindi pa malala—MMDA

ILANG araw na lang at Pasko na pero ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hindi pa gaanong malala ang trapiko sa Metro Manila.

Hindi tulad sa NLEX at SLEX nitong weekend ayon kay acting MMDA Chairman Romando Artes.

“Within Metro Manila, hindi naman po nangyari iyan dahil napaghandaan natin, nagpaplanuhang mabuti. Na-manage naman natin properly ‘yung traffic within Metro Manila,” pahayag ni Atty. Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.

Bus terminals at mga pantalan, iinspeksyunin ng MMDA bago dumagsa ang mga uuwi sa probinsiya

Sabi ni Artes, pinaghahandaan na nila ang Disyembre 22 kung saan inaasahang magsisimula ang pag-uwi ng karamihan sa kani-kanilang mga probinisiya.

Kasama ang Department of Interior and Local Government, Philippine National Police, at Philippine Drug Enforcement Agency, iinspeksyunin ng MMDA ang mga pier, airport, at mga bus terminal sa mga susunod na araw.

“Para masiguro na convenient ang mga pasahero at ‘yung mga terminals natin ay safe and mabilis po ‘yung pagca-cater sa mga bibiyahe po pauwi ng probinsiya,” dagdag ni Artes.

PNP at BFP, handa ngayong holiday season— DILG

Nakahanda na rin ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos ang mga kapulisan upang mas paigtingin pa ang seguridad ng mga Pinoy ngayong Kapaskuhan.

Mag-iikot din aniya ang mga pulis sa mga terminal at pantalan.

“Nakahanda na ang PNP. Naka-deploy na silang lahat,” saad ni Sec. Benhur Abalos, Department of Interior and Local Government.

Naka-24-hour alert na rin ani Abalos ang Bureau of Fire Protection sakaling magkaroon ng mga sunog dulot ng mga paputok.

Nationwide ban sa paggamit ng firecrackers, ipinananawagan ng DILG

Kaugnay rito ay nanawagan ang kalihim sa mga lokal na pamahalaan na magpasa na ng ordinansa na magbabawal sa paggamit ng firecracker sa mga kabahayan at sa iba pang pampublikong lugar tulad sa Davao City at Metro Manila.

Ani Abalos, taon-taon na lang kasi may napuputulan ng mga daliri o nasusugatan dahil sa mga paputok.

“Nakita naman natin ‘yung mga daliri napuputol, etc. I-ban na natin totally ito. Sana magpasa na lahat ng LGUs at magkaroon na lamang ng pyrotechnic display doon sa mga city hall,” diin ni Abalos.

Inasahan ng DILG na magiging mapayapa ang pagdiriwang ng Pasko ngayong taon.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter