BINIGYANG parangal ang two-time Southeast Asian Games gold medalist na si Nikko Huelgas ng Philippine Air Force (PAF) dahil sa naging kontribusyon nito sa kasagsagan ng coronavirus disease 2019 pandemic nakaraang taon.
Ginawaran ng military merit medal ang triathlon king ng PAF kahapon, Pebrero 1.
Pinangunahan ni Huelgas ang relief operations sa mga mamamayang apektado ng pandemya sa mga probinsiya ng Tarlac, Bulacan, Albay at Tingloy Island sa Batangas.
Ayon pa ni Huelgas, isang PAF reservist na may ranggong sergeant, sa pamamagitan ng tulong ng PAF main command, Tactical Operations Wing Northern Luzon (TOWNOL), Philippine Army at ng Chooks-to-Go, ay naging posible ang mga nasabing operasyon.
Nagretiro si Huelgas mula sa national team noong 2018 at ngayon ay kasalukuyang chairman ng Athletes Commission ng Philippine Olympic Committee.
Pumasok si Huelgas bilang PAF Reserve Command kung saan patuloy ang kanyang pagsasanay simula noon.