Tricom hearing kaugnay sa umano’y fake news ‘di pa rin malinaw ang layunin—political vlogger

Tricom hearing kaugnay sa umano’y fake news ‘di pa rin malinaw ang layunin—political vlogger

ISA sa mga maiinit na usapin ngayon sa Kamara ay ang isinagawang pagdinig ng Tricom kaugnay ng umano’y imbestigasyon sa paglaganap ng fake news sa social media—partikular umano sa mga vloggers na sinasabing binabayaran umano ng mga drug lord at sangkot sa mga ilegal na POGO operations.

Sa pagharap ng ilang political vloggers at ng Meta—ang kompanyang may-ari ng Facebook—muling nabuksan ang diskusyon ukol sa regulasyon ng social media sa bansa.

Ngunit para sa political vlogger na si Joie Cruz, hindi pa rin malinaw kung ano nga ba talaga ang layunin ng nasabing pagdinig.

“Hanggang ngayon hindi pa rin talaga klaro sa akin kung para saan itong Tricom hearing, dahil ito nga noong una kaming naimbita ang layunin ng Tricom hearing ay para magkaroon ng imbestigasyon sa pagpapalaganap ng fake news at maisiwalat ang mga vloggers na bayad daw ng mga druglords at ng mga ilegal POGO operations.”

“So hindi ko talaga hanggang ngayon—I would still want to understand kung saan talaga papunta itong Tricom hearing dahil hindi ito klaro para sa akin,” Joie Cruz, Political Vlogger, Content Creator.

Isa sa mga pangunahing tinalakay sa pagdinig ay ang umano’y pag-take down o pagbura ng Facebook accounts ng ilang miyembro ng Kongreso.

Bagama’t nauunawaan ni Cruz na may karapatan ang mga mambabatas na magtanong, tila personal na karanasan lamang aniya ang naging sentro ng diskusyon—hindi ang mas malawak na usapin tungkol sa regulasyon ng social media.

Ayon pa sa kaniya, kapansin-pansin na tila hindi rin pamilyar ang ilang kongresista sa mga patakaran ng Facebook, dahilan upang maubos ang oras sa paliwanag ng Meta.

Mas mabuti sana kung—ito’y opinyon lang naman base sa aking obserbasyon mas mabuti kung ang magiging takbo ng pag-uusap sa mga ganitong klaseng venue ay tungkol sa pagsuri ng mga polisiya ng Meta. Kaso ang nangyari kasi sa hearing dun pa lang nai-educate ang mga kongresista natin tungkol sa policy ng Meta, it looks like they are not very familiar with how Facebook works, so malaking oras talaga ‘yung ginugol para mag-explain ang Meta tungkol dito,” aniya.

Mga public official, dapat tanggapin ang mga kritisismo at puna mula sa taumbayan—political vlogger

Samantala, muli ring iginiit ni Cruz ang kahalagahan ng malayang pamamahayag at ang karapatang magpahayag ng opinyon—lalo na kung ito’y patungkol sa mga pampublikong opisyal.

Pagdating sa proteksyon ng pamamahayag, pananalita, lalong-lalo na sa pagsisiwalat ng saloobin natin, damdamin natin sa mga public official, I am an absolutist, we should not be regulated, we should not be hampered in expressing our opinion especially if it pertains to the public functions, the public office of our elected and non-elected officials,” dagdag nito.

Giit pa niya, imbes na gamitin ang plataporma ng Kongreso para sagutin ang mga puna, mas mainam kung direktang harapin na lamang ang mga isyu.

“Ang problema sa criticism, ‘pagka may criticism at hindi mo nagustuhan ang pinakaunang step diyan ay i-address. Kung ikaw ay kini-criticize dahil sa budget, kini-criticize dahil sa lifestyle, dapat itong sagutin, hindi ito pupwede na magagalit ka na lang doon sa nagki-criticize dahil ‘yung pagki-criticize niya ay may kasamang mura, hindi dapat ganun,” aniya.

Binigyang-diin din ni Cruz ang bigat ng responsibilidad ng mga nasa gobyerno, gayundin ang obligasyon nilang tanggapin ang boses ng taumbayan na pumupuna sa kanila.

Sa huli, hinimok ni Cruz ang mga mambabatas na huwag gawing personal ang usapin ng social media regulation.

Sa halip, dapat itong gamitin bilang pagkakataon upang pagtibayin ang demokrasya at ang kalayaang magpahayag ng bawat Pilipino.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble