“Triple burden of malnutrition,” kinakaharap ngayon ng Pilipinas; Malusog na food options, isinusulong

“Triple burden of malnutrition,” kinakaharap ngayon ng Pilipinas; Malusog na food options, isinusulong

NAHAHARAP ang Pilipinas sa “triple burden of malnutrition,” kaya pinatitindi ang mga hakbang laban dito, kabilang ang pagsusulong ng malusog na food options.

Mayroon pa ring well-off provinces at localities na nakapagtala pa rin ng mataas na bilang ng mga malnourished at stunted na bata.

Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, marami ang nag-aambag na kadahilanan ng malnutrisyon, isa na rito ang pag-uugali ng mga tao sa pagkonsumo ng pagkain.

“So, I’d like to address that through, you know, addressing it at school age kasi kapag naturuan natin sa school age with proper nutrition advice, their choices, their health choices might be better; and then, we will ask them to move, activity, exercise, sports ganoon,” saad ni Sec. Ted Herbosa, DOH.

Ngayon, nahaharap aniya ang bansa sa triple burden ng malnutrisyon—ang undernutrition, overnutrition, at micronutrient deficiency.

Ang kakulangan sa micronutrient, lalo na sa Vitamin A, Iron, at Iodine, ay lubhang nakakaapekto sa mga batang wala pang limang taong gulang maging sa lactating at buntis.

Pagdating naman sa usapin ng stunting o pagkabansot sa mga batang wala pang limang taong gulang, saad ni Herbosa:

“If we’re going to fix stunting, our stunting rate is something like 26%, that’s like three kids out of ten are stunted/bansot. The problem is not the bansot; the problem is the low cognitive ability, mahina iyong utak because the brain development happens in the first 1,000 days,” wika ni Sec. Ted Herbosa, DOH.

Bukod diyan, ang bansa ay nahaharap din sa overnutrition, na may labis na katabaan ng bata na edad lima hanggang sampung taon sa 14 porsiyento; at adult obesity sa 40 porsiyento.

Kaya naman bukod sa Department of Health (DOH), naatasan din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pag-igihin o palawigin pa ang pagsisikap kasama ng iba pang mga ahensiya para labanan ang malnutrisyon sa bansa.

Kabilang na rito ang pagsusulong ng malusog na food options.

Sa parte ng DSWD, sinabi ni Undersecretary Eduardo Punay na ang Philippine Multisectoral Nutrition Project ang isa sa mga nakatayang programa ng ahensiya para wakasan hindi lamang ang kagutuman kundi pati ang malnutrisyon.

Sa pamamagitan ng proyektong ito, namimigay ang DSWD ng mga proyektong pang-imprastraktura sa mga local government na kabilang sa fourth to sixth class municipality.

Sila’y binibigyan ng wash facilities at feeding facilities.

“At ang nakatoka po sa DSWD ay mga nutrition sensitive project. Ibig sabihin, mga infrastructure na kailangan ng ating mga local governments sa mga communities para solusyunan ang malnutrition,” saad ni Usec. Eduardo Punay, DSWD.

Dagdag ni Punay, kasama rin ang Walang Gutom 2027 Food Stamps Program na nakatuon sa pagtugon sa isyu ng malnutrisyon.

“Binibigyan natin ang ating mga beneficiaries, partner, ng nutrition, education session every month, so tinuturuan sila kung paano bumili, mag-prepare at magluto ng mura, masustansiyang pagkain. So, iyon ang tinuturo natin sa ating mga kababayang benepisyaryo ng food stamps program,” ani Punay.

Target ng DSWD ngayong taon ay makapag-onboard o makapagsilbi ng 300,000 household beneficiaries para sa naturang programa.

Sa ngayon, nasa 260,000 na ang nao-onboard kaya nasa 40,000 na lang ang bina-validate ng ahensiya para makasama sa programa at mabuo ang nabanggit na target.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble