NAGDULOT ng malakas na ulan ang Tropical Storm Crising sa loob ng anim na oras sa lungsod ng Mati ng Davao Oriental na nagbunsod ng pagbaha sa tatlong barangay ng lungsod ngayong umaga, Biyernes.
Kabilang sa mga apektadong barangay ay Don Enrique Lopez (DEL), Dahican, and Matiao.
Kaninang alas siyete ng umaga, ay nakatanggap ng report ang City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) kung saan ilang mga bahay at imprastraktura ang nasira.
Umapaw ang tubig mula sa Bitan-agan River ng Brgy. DEL patungo sa mga kabahayan ng Purok Panumbon at Pagsilaan.
Agad namang nagpadala ng heavy trucks ang CDRRMO sa nasabing mga lugar at pinayuhan ang mga residente na lumikas dahil sa pagbaha. Alas nuwebe ng umaga, limang pamilya ang lumikas sa Pagsilaan Elementary School.
Sa Barangay Dahican, kabilang sa naapektuhan ng pagbaha ang mga residente ng NHA Dahican, NASA, Urban Poor and Martinez Subdivision kung saan pinasok ng tubig ang ilang bahay sanhi rin ng pag-apaw ng tubig sa mga kanal.
Binaha rin ang isang gasoline station at 7/11 store. Sa kabila nito bumaba ang tubig-baha kaninang umaga sa NHA at Martinez subdivisions habang hanggang tuhod pa rin sa Urban Poor.
Kasama rin sa binaha ang Barangay Matiao, mga area ng Ceboley 1 at 2, Upper at Lower Kapayas, at Guingona. Samantala hanggang baywang naman ang tubig sa residential areas ng Ceboley base sa video na nai-post ng isang local journalist na si Nick Cabugnason.
Isa namang malaking puno ang humarang sa isang sapa na nagdulot ng pag-apaw din ng tubig sa mga katabing kabahayan. Dahil dito ay agad nagpadala ang CDRRMO ng heavy equipment upang maalis ito.
Kaugnay nito nagpadala ng mga teams ang Mati CDRRMO sa naturang tatlong barangay upang tulungan at masuri ang sitwasyon ng naturang mga barangay.
Kabilang naman sa mga teams na tumulong sa CDRRMO ay Braces, Kabalikat Civicom, Jaguar 10, City Traffic Management Office, City Engineering Office at Dreams 166.
Namahagi rin ng hotmeals para sa mga residenteng apektado ng Bagyong Crising.