NAUWI sa kaguluhan ang protesta ng supporters ni outgoing President Donald Trump matapos lusubin ng mga ito ang loob ng US Capitol.
Nagmistulang ‘coup attempt’ ang paglusob ng mga supporter ni Trump matapos makapasok ang mga ito sa loob ng Capitol at puwersahang pinaaalis ang Capitol police sa dalawang chambers ng Kongreso at i-lock down ang gusali.
Nanawagan naman si Trump sa mga tagasuporta nito sa pamamagitan ng Twitter post na huwag maging bayolente ngunit patuloy ang laban sa pamamagitan ng hindi pag-concede.
“Please support our Capitol Police and Law Enforcement. They are truly on the side of our Country. Stay peaceful!,” ayon sa Tweet ni Trump.
Isang babae ang naiulat na nasa kritikal na kondisyon matapos mabaril sa kalagitnaan ng kaguluhan sa pagitan ng mga protestor at mga pulis.
Natagpuan din ang isang Improvised Explosive Device (IED) sa bakuran ng US Capitol habang nagpakawala naman ang mga pulis ng tear gas sa loob ng U.S. Capitol dahil sa pagpasok ng mga demonstrador.
Ilang block lamang sa U.S. Capitol ay isang pipe bomb ang natagpuan sa Republican National Committee sa Washington habang isang kahina-hinalang package ang natagpuan sa Democratic National Committee dahilan upang nagsilikasan ang mga tao mula sa nasabing gusali.
Sa kasalukuyan ay nasa lockdown na ang gusali ng Capitol matapos pasukin ng mga protester na nagdulot ng matinding kaguluhan.
Nanawagan naman si President-elect Joe Biden ng agarang pagpapahinto sa kaguluhan at aniya ay mistulang ‘insurrection’ ang nasabing pananakop.