UMAPAW ang tubig baha sa Marikina River kahit walang mga pag-ulan sa Metro Manila.
Ito ay matapos umabot ng 15.8 meters ng tubig baha sa Marikina River o dalawang guhit na lang bago mag-second alarm.
Sino ba naman ang mag-aakala na ganito ang bubulaga sa mga residente na nakatira sa gilid ng Marikina River?
“Bigla ho, bigla laging tumataas, iyong 14, 15.5 magiging 17, ‘pag 17 nag-aakyat na kami ng gamit,” saad ni Rosalina Reyes, residente ng Marikina.
Ang ibang residente naman, nangisda na lang sa baha maka-diskarte lang ng pananghalian.
Paliwanag ng Marikina 161, matindi ang pag-ulan kaninang hatinggabi at madaling araw sa Mt. Oro na sakop ng Montalban, Rizal kaya ang resulta, baha sa Marikina.
“Ito po ‘yung pag-ulan, galing sa kabundukan po na bumaba po ngayon sa Marikina River. Makikita po natin ang epekto niyan kaya po tumaas ang Marikina River,” ayon kay Dave David ng Marikina 161.
Sinabi rin ni David na walang pagbaha sa iba pang low-lying area sa siyudad bukod sa pag-apaw ng kanilang ilog.
“Sa second alarm po natin, meron na po tayong pre-emptive evacuation pero sa pagtataya po namin sa tingin namin hindi na po tayo ngayon aabot doon sa second alarm, kasi pababa na ‘yung trend natin eh,” dagdag pa nito.