NAGPATAWAG si Sen. Idol Raffy Tulfo, bilang bagong Chairperson ng Senate Committee on Public Services, ng kauna-unahang consultative meeting sa Senado kahapon, Hunyo 11 kasama ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang talakayin ang mga isyu sa sektor ng transportasyon, telekomunikasyon, at utilities and franchises.
Isa sa mga natalakay ang kasalukuyang implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng Department of Transportation (DOTr) na kung saan kinuwestiyon ni Sen. Idol ang planong pag-aangkat ng modern units ng jeepney mula pa sa China imbes na magpagawa sa mga local manufacturers sa mas mababang halaga.
Kaya imbes na itulak ang jeepney phaseout, iminungkahi ni Sen. Tulfo sa DOTr na baguhin ang kanilang sistema para mabawasan ang congestion at iba pang problema sa kalsada.
Tinawag naman ni Sen. Tulfo ang atensiyon ng pamunuan ng MRT-3 dahil sa madalas na pagkasira ng mga tren, maging ng mga elevators at escalators sa mga istasyon nito.
Hinimok niya ang ahensiya na palitan na ang kasalukuyang maintenance service provider ng MRT-3 na Sumitomo Corporation para maiwasan na ang kapalpakan na nagpapasakit sa mga commuter.
Samantala, pinaalalahanan ni Sen. Tulfo ang Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA) na dapat ay wala nang lulubog na pampasaherong bangka sa kaniyang termino bilang Public Services Chairperson. Inobliga niya rin sila na ipatupad ang stricter monitoring at sea worthiness inspections bago pumalaot ang mga ito. Dito ay dapat magkaroon ng sapat na availability ng life vest at life boats para sa kanilang mga pasahero.
Isiniwalat din ni Sen. Idol ang mga nakita niyang problema sa mga VIP chartered planes kung saan maaaring magpuslit ang mga pasahero nito ng contrabands papasok at palabas ng bansa. Nangako si Sen. Idol na susuportahan niya ang pagdagdag ng budget sa Department of Transportation (DOTr) upang magtayo ng processing centers sa mga paliparan para nasabing eroplano para maiwasan ito.
Sa huli, inatasan ni Sen. Tulfo ang bawat ahensiyang dumalo na magsumite ng kani-kanilang mga accomplishment at assessment reports sa susunod na pagdinig upang mapag-aralan niya ang mga ito at makapagpasa ng nararapat na polisiya.