TINIYAK ngayon ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Rex Gatchalian sa mga gobernador, kongresista at alkalde sa lalawigan ng Albay na ang kanilang Regional Office Bicol ay “agresibong namamahala sa sitwasyon” sa lupa bilang paghahanda sa posibleng pagsabog ng Bulkang Mayon.
Kaugnay niyan ay personal na tinawagan ni Gatchalian si Albay Governor Edcel Greco Lagman pati na rin ang mga kongresista sa lalawigan upang tiyakin na matagal nang naiposisyon relief goods.
Abala rin ang DSWD Field Office V sa pagdaraos ng emergency meetings bilang bahagi ng paghahanda sa pinakamasamang posibleng scenario.
Target ng DSWD na makapag-preposition ng 102,000 family food packs sa iba’t ibang mga warehouse na pinakamalapit sa mga lungsod at munisipalidad na matinding naapektuhan sa mga unang pagsabog ng Mayon.
Kabilang dito ang Guinobatan, Camalig, Daraga, Tabaco City, Malilipot, Sto. Domingo, Bacacay, Ligao City, Daraga, at Legaspi City sa Albay.
Batay sa datos ng DSWD sa pagsabog ng Bulkang Mayon noong 2018 at mga pagsusuri, ang Guinobatan at Camalig ang may pinakamaraming evacuees.