Tuluy-tuloy na pag-aaral at pagsasanay, binigyang-diin ni Tolentino sa mga lider ng barangay

Tuluy-tuloy na pag-aaral at pagsasanay, binigyang-diin ni Tolentino sa mga lider ng barangay

MAHALAGA ang tuluy-tuloy na pag-aaral at pagsasanay ng mga lider ng barangay para mahusay nilang mapamunuan ang pinakabatayang unit ng sistemang pampulitika ng bansa.

Ito ang binigyang-diin ni Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino sa kaniyang talumpati sa pambansang pagtitipon ng Liga ng mga Barangay (LNB) sa Pasay City.

Kaugnay rito, ipinahayag ng senador na sisikapin nyang maitaas ang badyet sa susunod na taon ng Local Government Academy (LGA), ang pangunahing institusyon ng pamahalaan na nagsasagawa ng seminars at trainings para sa mga lider ng barangay.

“Itutulak natin ang mas mataas na alokasyon para sa LGA para lalo silang makatutok sa inyo,” ani Tolentino, na siyang namumuno sa finance sub-committee na nangangasiwa sa panukalang badyet ng Department of the Interior and Local Government (DILG), kasama na ang LGA na isang attached agency nito.

Hiniling din ng senador sa mga delegado na gamitin ang lahat ng pagkakataon para matuto mula sa isa’t isa, base sa kaniya-kaniyang karanasan at best practices.

“Halimbawa, ang mga taga-Guimaras ay maaaring matuto sa mga taga-Southern Leyte. Ang mga taga-Southern Leyte ay pwede namang matuto sa mga taga-Ilocos Sur, na maaari din namang matuto sa mga taga-Lanao del Norte,” paliwanag ni Tolentino, na matagal ding nanilbihang local chief executive bilang alkalde ng Tagaytay City.

Bilang pagtatapos, nanawagan si Tolentino sa mga lider ng barangay na isapuso ang kanilang panunumpa sa tungkulin (oath of office), imbis na tratuhin ito bilang simpleng dokumento lang na kanilang kailangang lagdaan bilang mga halal na opisyal.

“Dapat nating isabuhay ang ating panunumpa sa tungkulin, upang maging mahusay ang ating pamumuno,” pagtatapos niya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble