Tuluy-tuloy na suporta ng Marcos Admin sa vulnerable sectors, tiniyak kasunod ng pagtaas ng inflation

Tuluy-tuloy na suporta ng Marcos Admin sa vulnerable sectors, tiniyak kasunod ng pagtaas ng inflation

NAGBIGAY ng katiyakan ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., para sa patuloy na suporta nito sa mga pinakamahinang sektor.

Ito’y habang nagpapatupad ang pamahalaan ng mga kinakailangang hakbang upang tumugon sa pagtaas ng mga presyo.

Ang pahayag na ito ay kasabay ng inilabas na ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na tumaas sa 6.1% ang inflation noong Setyembre 2023, mula sa 5.3% noong Agosto.

Naitala ang mas mataas na inflation, una sa pagkain, partikular sa bigas (17.9% mula sa 8.7%), karne (1.3% mula -0.1%), prutas (11.6%mula 9.6%), at mais (1.6% mula 0.9%).

Samantala, ang mga presyo ng isda, gulay, asukal, itlog, dairy products, tinapay, at iba pang cereal ay nagtala ng mas mabagal na inflation.

Kaugnay dito, ginarantiya ng administrasyong Marcos na magpapatuloy ang suportang ipinagkakaloob ng gobyerno sa mga nabibilang sa vulnerable sectors lalo na sa mga mamimili gayundin sa mga magsasaka.

Inihayag ito ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, sa harap aniya ng naging bilis ng paggalaw sa presyo ng mga pangunahing bilihin noong nakaraang buwan.

Kabilang sa mga inisyatiba ng gobyerno ay ang digital Food Stamp Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na inilunsad noong Setyembre 29, 2023.

Ito ay naglalayong tugunan ang matagal na insidente ng kahirapan sa pagkain at malnutrisyon sa mga kabahayang Pilipino na may mababang kita, sa pamamagitan ng pagbibigay ng P3,000 halaga ng food grant. Magbibigay din ang ahensiya ng P10,000 cash subsidy sa 78,000 magsasaka na nakalista sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Bukod dito, ang mga magsasaka ng palay ay nakatakdang makatanggap ng P5,000 bilang tulong pinansyal upang makatulong na mapanatili ang kanilang produktibidad.

Dagdag pa rito, inilunsad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbibigay ng fuel subsidy sa 74,089 Public Utility Vehicles.

Noong Setyembre 18, nagtakda ang National Food Authority (NFA) Council ng bagong ‘’buying price’’ ng palay na naglalayong mabigyan ng mas mataas na kita ang mga magsasakang Pilipino.

 

 

Follow SMNI NEWS on Twitter