MAS palalakasin pa ng Department of Trade and Industry (DTI) ang Halal industry sa bansa kasunod sa isinagawang book launching ng DTI Trade and Promotions Group.
Inaasahang makapagbubukas ito ng maraming oportunidad sa iba’t ibang uri ng negosyo sa bansa at sa pandaigdigang merkado.
Ang inilunsad na libro ay pinamagatang The Global Halal Economy na inakdaan ni DTI Undersecretary Abdulgani Macatoman.
Ayon sa opisyal, malaking bentahe ang pagkilala at pagtanggap ng mga negosyante sa Halal industry mapa-Kristiyano ka man o Muslim.
Bukod sa mga bansang nasa ilalim ng Gulf Cooperation Council gaya ng estado ng Arab, ang Halal industry ay maaaring makatulong para mas mapaangat pa hindi lang produkto kundi ang mismong turismo ng bansa sa pamamagitan ng pagdaragdag ng Muslim-friendly services sa mga karatig bansa sa Asya at buong mundo.
Paglilinaw ng DTI, sa kabila ng pagbabago ng trade platform, mananatili pa rin naman ang mga nakasanayang pang-export na produkto at serbisyo.
Ang mahalaga aniya ay makapagbukas ng mas malawak pa na merkado at makapasok ng malaya ang mga kultura at tradisyon ng mga Pilipino sa Arab countries.
Samantala, para kay Ang Kabuhayan Kayang Kaya Partylist Congressional Aspirant Muffaida Macatoman, malaking bentahe ito sa mga maliliit na negosyo sa bansa na mag-umpisa nang palawigin ang kanilang hanapbuhay at dalhin ang kanilang serbisyo sa pandaigdigang merkado.
Isa ito sa mga adbokasiya ng partylist nito na makatulong na maiangat ang kalagayan ng mamamayan lalo na sa pagnenegosyo
Batay sa datos ng DTI, nasa tatlong trilyong dolyar ang industriyang ito sa buong mundo.
Sa ilalim ng Republic Act 10817 o Philippine Halal Export Development and Promotion Act of 2016, nais nitong tulungan ang mga negosyante sa bansa na mag-export ng mga lokal na produkto pero Halal certified para sa global economy.