Turismo, inaasahang mas sisigla sa papalapit na panahon ng Kapaskuhan

Turismo, inaasahang mas sisigla sa papalapit na panahon ng Kapaskuhan

INAASAHAN ng Department of Tourism (DOT) ang muling pag-usbong ng turismo sa Pilipinas sa papalapit na holiday season o Kapaskuhan.

Paliwanag ni Tourism Asec. Maria Rica Bueno, dahil ito sa pagbabalik ng ating mga kababayang overseas Filipino workers (OFWs) at pagbisita ng mga dayuhang turista.

“Usually sa trend natin, even pre-COVID, the last quarter is really picking up because of the homecoming ng ating mga kababayan at saka ‘yung overseas Filipinos na nag-i-spend with Christmas with their families not only OFWs but ‘yung mga kababayan natin with residents abroad umuuwi ‘yan to spend holidays with their relatives and families,” pahayag ni Bueno.

Inaasahan din ng kagawaran na mas uunlad pa ang tourism industry ng Pilipinas kasunod ng pagluluwag ng ilang COVID-19 restriction sa bansa.

Isa na rito ang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa outdoor areas matapos inilabas ang Presidential Executive Order No. 3 kamakailan.

Ayon sa kay Asec. Bueno, mas maraming mahihikayat na mga dayuhang turista sa pagrelaks ng mga ipinatutupad na health protocols.

“Definitely makakatulong po ‘yun kasi siyempre lalo na ‘yung foreign tourist na talagang gusto nila walang sagabal sa pag-i-enjoy nila lalo na outdoors di ba kasi ‘yung ating previous kahit saan ka naka-mask but with the relaxation of the mask mandate natin pwede na tayo sa outdoor optional ganun. Inaasahan natin ‘yan na makatulong sa turismo,” ani Bueno.

Sa ngayon, patuloy ang ginagawang hakbang ng DOT upang tuluyang makabangon ang nasabing industriya.

Inaasahang unti-unti nang makakabalik sa kani-kanilang mga trabaho ang mga nawalan ng hanapbuhay dulot ng pandemya sa pagsisimula ng Philippine Tourism Job Fair na isasagawa sa Metro Manila, Cebu City at Davao bukas.

Sa Metro Manila, tatagal ang nasabing job fair mula Setyembre 22-24 na gaganapin sa SMX Convention Center Manila, Pasay City.

Para sa mga job seekers ng Cebu City at Davao City gaganapin ang nasabing event mula Setyembre 22-23 sa SM City Cebu at Abreeza Mall Davao.

BASAHIN: Higit 7.5-K trabaho, alok ng Philippine Tourism Job Fair

Follow SMNI News on Twitter