IKINABABAHALA ng Tutok To Win Partylist ang patuloy na pagdami ng ating mga kababayan na walang trabaho.
Ito ang kanilang tututukan sakaling palarin na manalo sa karera ngayong halalan.
Maghapon na sinuyod ng Tutok To Win ang ilang lugar sa Batangas sa kanilang pangangampanya.
Sa pagharap sa mga supporters nito araw ng Lunes, ay inilatag ni Sam Versoza, 1st nominee ng Tutok To Win Partylist, ang kanyang pangarap para sa mga kababayang Pilipino kapag papalaring makakuha ng pwesto sa Kamara.
Makakaasa aniya ang mamamayan na mga programang pangkabuhayan ang kanilang isusulong.
“Bigyan sila ng programa like livelihood programs, give them the skills para tulungan nila ang sarili nila. Hindi lamang sila umaasa sa gobyerno o sa ibang tao,” sinabi ni Versoza.
Naniniwala si Versoza na aangat ang buhay ng mga mahihirap kung mayroon lamang silang marangal na pagkakakitaan.
Binanggit din niyang prayoridad na mabigyan ng maayos na edukasyon ang bawat Pilipino.
Si Versoza, kasama ang buong team ng Tutok To Win Partylist ay patuloy na nag-iikot sa buong bansa upang ipaalam ang kanilang adbokasiya.
“Asahan ninyo po na ang Tutok To Win ay ipagpapatuloy namin ang pagtulong sa mas malawak at mas malaking pamamaraan para mas marami kaming maaabot na mabigyan ng tulong, pagasa, at saya,” dagdag ni Versoza.
Bago tumungo sa Batangas ay galing ang Tutok To Win Partylist sa Cagayan de Oro City at asahan naman na bibisita ito sa Iloilo City sa susunod na linggo.