UAE, irerekomenda na rin na maisama sa travel restriction ng Pilipinas

IREREKOMENDA na rin ng Department of Health (DOH) sa Inter-Agency Task Force at Office of the President na isama ang United Arab Emirates o UAE sa travel restriction ng Pilipinas.

Ito ay matapos magpositibo sa UK COVID-19 variants ang isang Pinoy na taga-Quezon City na nanggaling sa Dubai.

Sa virtual press briefing ng DOH, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na pormal na hihilingin ng ahensiya na mapabilang ang UAE sa travel ban para sa mga dayuhang pasahero.

Tiwala naman si Duque na aaprubahan ito ng Office of the President gayunman, hihintayin pa rin aniya nila ang pasya nito.

Sa ngayon, sinabi ni Duque na pinaiiral na ang mahigpit na protocol hindi lamang sa mga pasaherong galing sa mga bansang sakop ng travel restrictions.

Kahapon lamang ay kinumpirma na ng Department of Health (DOH) na nakapasok na sa bansa ang UK COVID-19 variant.

Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque na ang nagpositibo ay isang lalaking biyahero na mula UAE at residente ng Quezon City.

umalis ang lalaki galing Dubai noong Disyembre 27, 2020 na may negative RT-PCR test.

Bumalik aniya ang lalaki sa Pilipinas noong Enero 7, 2021 sakay ng Emirates flight EK322.

Sa ngayon, sinabi ng DOH na naka-isolate na ang lalaki maging ang kanyang girlfriend, nanay, at dalawang kapatid.

Nagsagawa na rin ang DOH ng contact tracing sa mga nakasama ng lalaking nagpositibo sa nasabing flights.

SMNI NEWS