IKINABAHALA ng kampo ni presidential aspirant Ferdinand Bongbong Marcos ang ugnayan ng Commission on Elections (COMELEC) sa Rappler.
Bukod raw kasi sa fact checker ang Rappler, ipapagamit rin daw ng poll body sa Rappler ang kanilang precinct finder.
Nitong nakaraang linggo nang magkapirmahan ng kontrata ang COMELEC at online news outfit na Rappler.
Para daw ito sa paglaban sa misinformation ngayong panahon ng eleksyon.
At ang magiging role nito, fact-checker sa lahat ng mga balita o impormasyon na may kinalaman sa botohan.
Ngunit ayon sa kampo ni presidential candidate Bongbong Marcos, hindi lang fact-checker ang role ng Rappler.
Ayon sa national campaign manager nito na si Atty. Benhur Abalos, sa Rappler rin daw ilalagay ang precinct finder ng COMELEC.
“Sinasabi nilang precinct locator, anong ibig sabihin nito? Sa ating mga kababayan ang ibig sabihin nito kung gusto kong malaman ang presinto ko, pupunta ako sa Rappler siya ang magsasabi kung ano ang presinto ko,” pahayag ni Abalos.
Para kay Abalos na dating MMDA Chairman, dapat masagot ito ng COMELEC dahil nakababahala na ipagkatiwala ang mga impormasyong ito sa Rappler.
“Ibig sabihin ba nito lahat ng database natin, lahat ng listahan natin ng botante ay binigay mo kay Rappler? May issue tayo dito sa right to privacy law it could be a violation,” ayon ni Abalos.
Ipinakita rin ni Abalos sa media ang kopya ng desisyon ng Court of Appeals na nagsabing dayuhang kumpanya ang Rappler.
Ganito rin daw ang paninindigan ng Securities and Exchange Commission (SEC).
“Alam niyo ho, sa ating Pilipino lalo na sa ating konstitusyon sagrado ang eleksyon. At klaro yang dapat makialam na dayuhan dito. Ito ay nasa Court of Appeals no at iyo yung desisyon, sinabi ng SEC sana lang ma-klaro ito. Dahil nakakatakot po para sa amin ito,” ani Abalos.
Nanawagan naman si Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita at Chief of Staff ni Marcos sa poll body na tiyakin ang malinis at tapat na eleksyon na siyang pinaka-diwa ng demokrasya ng bansa.
“Furthermore, we enjoin the Commission on Elections in ensuring the conduct of free, orderly, honest and credible elections – the very essence of Philippine democracy,” ayon kay Rodriguez.
Sa pahayag naman ng Digital Strategy Head ng Rappler na Gemma Mendoza, 2013 pa sila magka-partner ng Rappler.
At palaging tinatanggap ng Comelec ang kanilang tulong gaya ng sa ibang media outlet.
Nanindigan din ito na nagbabayad ng tamang buwis ang kumpanya.
COMELEC, dinipensahan ang ugnayan sa Rappler, special treatment itinanggi
Ang Comelec naman, idinepensa ang kanilang ugnayan sa Rappler pati na ang isyu sa foreign funding ng organisasyon.
“If I am not mistaken it is pending before the court of appeals. If it’s pending before the court of appeals it seems to me like that a final determination hasn’t been reached. The Comelec is not the proper venue to make that proper determination,” pahayag ni Jimenez.
Para din kay Jimenez, walang masama sa kasunduan dahil operational pa rin naman ang Rappler.
Itinanggi rin nito na may special treatment ang COMELEC.
“This is practically a boilerplate agreement. This is the same agreement that we enter with all networks, with all media organisations. Rappler is not getting any special information, it’s not getting any special treatment,”ayon kay Jimenez.