Ugnayan ng sektor ng mga katutubo at pamahalaan, pinagtibay sa National IP Summit

Ugnayan ng sektor ng mga katutubo at pamahalaan, pinagtibay sa National IP Summit

SA unang pagkakataon, nagtitipon-tipon ang higit 100 kinatawan ng Indigenous Cultural Communities/Indigenous People (ICC/IPs) sa buong bansa, ngayong Miyerkules sa Camp Aguinaldo para sa National Indigenous People’s (IP) Summit.

Pinagtibay ng pamahalaan, sa pangunguna ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), at ng iba’t ibang tribo sa buong bansa ang ugnayan nito sa ginanap na national summit.

Sumentro sa temang Pagbubuo o Pagbubuklod ng mga Pamilya, Katutubong Komunidad at ng Buong Bansa ang naging pagtitipon.

Makulay at makasaysayan ang naging parada ng mahigit 100 kinatawan ng mga IP communities sa Luzon, Visayas, at Mindanao at bakas sa kanilang mukha ang galak at pagmamalaki ng kanilang nirerepresentang tribo.

Inilahad ni NCIP Chair Sec. Allen Capuyan ang 11 building blocks bilang tuntungan ng pamahalaan upang tugunan ang pangangailangan ng pamayanan ng mga katutubo.

Samantala, pumirma sina Sec. Capuyan at Interior Secretary Benhur Abalos Jr. ng isang Joint National Advisory na nagpapaalam sa publiko na ipatutupad ang batas para sa mga IP at hindi ibebenta ng pamahalaan ang ancestral lands.

Nilagdaan ng NCIP at DILG ang Joint National Advisory na naglalayong ipahinto o ipagbawal ang anomang transaksyon, negosasyon kaugnay sa pagbebenta o pagsasalin ng lupain na sakop ng ancestral domain.

Sa ilalim ng Section 5 ng RA 8371, ang lahat ng ancestral domains ay pribado ngunit bahagi pa rin ito ng community property na pagmamay-ari ng mga katutubo kaya hindi ito maaaring ipagbili o sirain ninuman.

Hinihikayat din ng NCIP at DILG ang publiko na isumbong sa kinauukulan ang mga lalabag sa nasabing batas.

Binigyang-diin ni Interior Secretary Benhur Abalos Jr. ang kahalagahan ng National-Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa pagtugon sa pangangailangan ng mga katutubo lalo na laban sa insurhensiya.

Ibinida naman ni DSWD Asec. Alan Tanjusay ang mga serbisyo na naipaabot na ng ahensya sa mga katutubo sa buong bansa.

Ayon pa kay Asec. Tanjusay, mahigit 90 porsiyento na ng kabuuan ng IP community sa buong bansa ang nabigyang serbisyo ng DSWD.

Ipinunto naman ni Agriculture Department Usec. Zamzamin Ampatuan ang kahalagahan ng mga IP para sa food security ng Pilipinas.

Kaya naman inilunsad ng DA ang Kaunlaran at Kabuhayan para sa Kababayang Katutubo o 4Ks program na naglalayong tulungan ang mga IPs na i-develop ang kanilang mga ancestral agricultural lands sa pamamagitan ng mga sustainable livelihood program, kabilang na ang agro-forestry at organic agriculture.

Isa rin sa binigyang-tuon sa summit ay kahalagahan ng pakiisa ng pribadong sektor sa pagsusulong ng kapakanan ng mga katutubo sa bansa.

Malaki naman ang pasasalamat ni Datu Joel Unad, isang lider ng IP sa Mindanao, na naisakatuparan ang ganitong pagtitipon.

Aniya, ramdam nila ang pagkalinga ng gobyerno sa mga katutubo.

Nakiisa rin ang United Indigenous Peoples Heritage of the Philippines (UNIPHIL), kung saan Honorary Chairman si Pastor Apollo C. Quiboloy.

Layunin ng UNIPHIL na maging katuwang ng pamahalaan sa pagkalinga at pagsusulong ng mga programa na makatutulong sa pagpapaunlad ng IP sector.

Nagpaabot naman ng mensahe ng pakikiisa si Pastor Apollo para sa National IP Summit.

Follow SMNI NEWS in Twitter