AMINADO si Transportation Secretary Arthur Tugade na posibleng tataas na naman ang langis at krudo sa Pilipinas sakaling tumindi pa ang tensyon ng bansang Ukraine.
Sa panayam kay DOTr Sec. Art Tugade, sinabi nito na tataas na naman ang presyo ng langis at krudo sa Pilipinas kapag nangyari na ang digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia.
Ito ay dahil ang Ukraine ang isa sa mga bansang pinagkukunan ng supply ng langis at krudo ng Pilipinas.
Pati ang airlines company ayon kay Tugade posible rin maapektuhan.
Pero para naman sa Cebu Pacific pananatilihin pa rin naman nilang maging affordable at accessible air travel ang kumpanya para sa mga pasahero sa pamamagitan ng paggamit ng travel fund.
“Low cost airline kasi kami. So, it is our business to offer affordable and accessible air travel. At laging may sale,” ayon kay Carmina Romero, spokesperson, Cebu Pacific.
Pero para kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ngayon pa lang nararamdaman na ng taong bayan ang pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Ang pahayag ng mga naturang opisyal ay kasunod sa isinagawang inagurasyon sa bagong upgrade at renovate ng Taxiway Charlie sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Tugade ang NAIA ay mahahanay na ngayon sa ibang mga paliparan sa bansa dahil sa hindi na aspalto kundi konkreto na ang bagong taxiway sa NAIA.
Ang pag-upgrade ng mga pasilidad sa airside ng paliparan ay makatutulong upang tiyak na mapahusay at ligtas na lalapag at lilipad ang mga eroplano.
Matatandaan sa mga nakaraang taon bago ang COVID-19 pandemic ay nagkaroon ng air traffic on-ground sa NAIA dahil sa limitasyong paggamit ng taxiway sa naturang paliparan.
Dahil sa pagluwag na rin ng restriction ng mga dumarating na pasahero sa NAIA galing ibang bansa inalis na ang limitasyon ng mga international inbound passenger sa paliparan kaya naman ang pagkakaroon ng bagong upgrade na taxiway ay makatutulong sa mga pasahero .