PATULOY ang pagtugis ng Philippine National Police (PNP) sa umano’y private armed groups (PAGs) ni suspended Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo “Arnie” Teves, Jr.
Ito ay matapos ideklara ng Anti-Terrorism Council (ATC) si Teves at 12 iba pang personalidad bilang terorista.
Sinabi ni PNP Public Information Office chief Police Brigadier General Redrico Maranan na walang magbabago sa kampanya ng PNP laban sa PAGs sa bansa.
Ayon kay Maranan, ipatutupad nila ang agresibo at tapat na law enforcement operations laban sa PAGs.
Itinuturo ang grupo ni Teves na umano’y nasa likod ng mga karahasan sa Negros Oriental kabilang na ang pagpatay kay Governor Roel Degamo at 8 iba pa.
Iginiit ng ATC na lumikha ng takot ang aktibidad ng grupo ni Teves na lubhang nakaapekto sa pamumuhay ng mga mamamayan.