PATULOY na tinututukan ng Department of Justice (DOJ) ang isyu hinggil sa nahuling Chinese national na sinasabing spy kasama pa ang dalawang Filipino na umano’y kasabwat nito.
Ito ayon kay DOJ Undersecretary for Legal Services and Liaison Cluster Raul Vasquez sa isang public briefing nitong Miyerkules.
“That is one of the active issues that will be further verified by our law enforcement agencies, investigative agencies,” saad ni Usec. Raul Vasquez, Undersecretary for Legal Services & Liaison Cluster, DOJ.
Iniulat ni Vasquez na ang kaso ay na-inquest at natapos na, at nagkaroon ng findings ng paglabag sa Espionage Act ng Pilipinas, na kaugnay ng Cybercrime Act. Non-bailable aniya ang kaso kaya malabong payagang makalabas ang mga ito pansamantala sa kulungan.
“Kaya itong tatlong tao na ito ay masasampahan ng kaso na non-bailable. This is not to discount other cases that may be initiated based on further investigation by our law enforcement agencies. Pero iyong aspetong iyan, it’s premature for us to make any conclusion, but it is clear na mayroon silang intelligence, surveillance at reconnaissance actions na ginagawa,” wika ni Usec. Raul Vasquez, Undersecretary for Legal Services & Liaison Cluster, DOJ.
Dagdag pa ng opisyal, napakalawak na ng kanilang napuntahang ‘areas of interest’ ng national security ng bansa.
Kasama aniya sa mga naikutan ng tatlong indibidwal ang ilang military bases at EDCA sites sa Pilipinas.
“Mayroong pinuntahan silang EDCA sites, military camps, even shopping malls, we don’t know why. So, napakaimportante iyong further investigation diyan para malaman natin kung ano talaga. But we should never discount the possibility na this is an espionage act,” ani Vasquez.
Una nang tiniyak ng DOJ na mananagot sa batas ang isang umano’y Chinese spy na naaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) at Armed Forces of the Philippines (AFP). Kasama ang dalawang Filipino na kasama nito na kasangkot daw ng nasabing espiya.
Ipinahayag na rin ng AFP na palalakasin nila ang kanilang depensa sa pamamagitan ng pag-activate ng kanilang Intelligence Command at reorganization ng kanilang Cyber Command, kasunod ng pagkakahuli ng umano’y espiya na Chinese national.