Umano’y co-mastermind sa Degamo Case na si Marvin Miranda sasampahan ng patong-patong na kaso ng DOJ

Umano’y co-mastermind sa Degamo Case na si Marvin Miranda sasampahan ng patong-patong na kaso ng DOJ

PINAKAKASUHAN na sa korte ng Department of Justice (DOJ) si Marvin Miranda, ang umano’y co-mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Ito ay matapos siyang isalang sa inquest proceedings ng DOJ Panel.

9 counts of murder, 13 counts of frustrated murder at 4 counts of attempted murder ang nakatakdang i-file ng DOJ sa korte dito sa Maynila.

Si Miranda ay itinuro ng mga naunang suspek sa pamamagitan ng kanilang extra judicial confessions kung saan naging malaki umano ang naging papel nito para sa pagpaplano sa assassination kay Degamo.

Ang mga isasampang kaso ng DOJ laban kay Miranda ay susubukang maisama sa mga kasong una nang isinampa laban sa mga suspek na sina Joric Labrador, Joven Javier, Benjie Rodriguez, at  Osmundo Roias Rivero.

Matatandaan na nahuli si Miranda sa Brgy. Madlad, Barbaza Antique sa pamamagitan ng isang hot pursuit operation noong March 27 habang ito ay nagtatago.

Si Miranda ay siya umanong dating bagman ni Cong. Arnie Teves, Jr.

Pero kahit pa hawak na si Miranda ng NBI, hindi pa rin umano nakikipagtulungan sa mga imbestigador ang suspek, bagay na hindi na nakakagulat sa DOJ.

Pagkatapos ng Semana Santa ay magkakaroon ng pagpupulong ang DOJ para sa iba pang tao na maaaring kasuhan na rin ng Justice Department at posibleng kasama na dito si Cong. Arnie, Jr. na tinuturong pangunahing mastermind sa krimen.

Sinabi naman ni Remulla na hindi na nila muna prayoridad ang paghahain ng Blue Notice sa Interpol para sa umanong nagtatagong si Teves.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter