SA screenshot na ibinahagi sa Twitter, mababasa ang mensahe ng isang hacker na nakuha umano nito ang mahigit 750 gigabyte na datos mula sa sistema ng Department of Education (DepEd).
Naglalaman umano ito ng mga detalye sa bangko, impormasyon ng mga mag-aaral at guro, at iba pa.
Ang umano’y data leak na iyan, biniberipika pa ng DepEd katuwang ang Department of Information and Communication Technology (DICT).
Ayon kay Education Usec. Michael Poa ipinag-utos na nila sa kanilang field offices na suriin at alamin kung mayroon nga bang nangyaring hacking.
‘‘We have instructed the field offices to run diagnostics and verify if there was indeed a hack. No report as of the moment as verification is ongoing,’’ ayon kay Usec. Michael Poa, Chief of Staff, Department of Education.
Sabi naman ni DICT Asec. Renato Paraiso na isolated lamang ang kanilang imbestigasyon sa isang regional office ng DepEd.
Pero pagbibigay-diin ni Paraiso, may pagdududa sila sa kawastuhan at katotohanan ng napaulat na data leak.
Kung titingnan kasi aniya, katumbas ng datos ng 10-M katao ang 750 gigabytes.
Ibig sabihin, masyadong malaki ang 750 gigabyte ani Paraiso kung ang datos ay manggagaling lamang sa isang regional office.
‘‘Imagine it’s almost one terabyte of data. Pang national government na iyan, much less ‘yung regional. So, we highly doubt ‘yung veracity of the report that was circulated in the dark web,’’ ayon naman kay Asec. Renato Paraiso, Department of Information and Communications Technology.
‘‘We’re talking about the studentry. So, talagang highly doubtful for us right now,’’ dagdag pa nito.
Sa ngayon, wala naman aniya rason para mag-panic.
Naniniwala si Paraiso na sapat at malakas ang seguridad sa sistema ng DepEd lalo na’t mahalaga ang mga impormasyong kanilang hawak.
Sa huli, hinikayat ng opisyal ang publiko na kung may mababasa patungkol sa isang data leak o hacking ay agad i-report sa kinauukulan.
‘‘Kailangan po nating i-report para ma-verify naman natin if the reports are true or not. Una, to avoid panic and unnecessary confusion among sa mga kababayan po natin,’’ ayon pa kay Paraiso.