Umano’y human rights abuses sa Pilipinas, ‘rehashed report’ ng Amerika – Gibo Teodoro

Umano’y human rights abuses sa Pilipinas, ‘rehashed report’ ng Amerika – Gibo Teodoro

KINUWESTYON ng former Defense Secretary at senatorial candidate Gilbert ‘Gibo’ Teodoro ang inilabas na report ng US State Department patungkol sa isyu ng umano’y human rights abuses sa Pilipinas.

Sa ginanap na Kamuning Pandesal Forum, sinabi ni Teodoro na walang ‘factual process’ ang Amerika pagdating sa human rights situation ng Pilipinas.

Kasabay nito, hinamon ni Teodoro ang US na maghain ng kaso dito mismo sa bansa kung talagang seryoso itong panindigan ang kanilang ulat.

“Ako sumasang-ayon dyan eh, anong investigative process na ginagawa nila? Taon-taon na lang, panahon ko pa lumalabas na yan. Kaso walang factual process, meron silang ina-outsource na mga reporters, rapertuers, NGO. Pero kung seryoso sila, mag-file sila ng kaso, dito sa ating bansa upang sa ganoon maparusahan ang salarin,” pahayag ni Teodoro.

Dagdag pa ni Teodoro, inaasahan na nito ang standard na trabaho ng US State Department taon-taon base na rin sa sinabi ng isang diplomat sa kanya.

Ito ay kung saan pinapalaganap ng Amerika sa ibang mga bansa ang ganitong mga isyu.

Ngayon ani Teodoro, iba naman ang pini-preach ng defense department ng US, ito ang counter-terrorism at security engagement.

Kaya masasabi nitong ‘rehashed’ na ang  reports na ito na ipinapalabas ng US laban sa Pilipinas.

“So bakit across the board  ‘yung kanilang allegation? Pero ‘yung US State Department reports na ‘yan, taon-taon na ‘yan, rehashed ‘yan. At ‘yan ang tuluy-tuloy na iprini-preach ng pamahalaang Amerika sa buong mundo,” ayon kay Teodoro.

Kaya naman, sambit ni Teodoro, dapat lapitan ng US na may sinseridad ang mga bansang gusto nilang tunay na maging kaalyado, sa kung papaano sila makatulong mai-angat ang kabuhayan ‘on a sustainable basis’ at hindi ningas-kugon.

Ibig sabihin, nirerespeto ang dangal, dignidad at kultura ng lahat kung saan ani Teodoro, siyang pamantayan ngayon ng BBM-Sara UniTeam.

Mababatid na batay sa inilabas ng US, ‘credible’ ang human rights abuses na nagawa ng Philippine Security Forces.

Naglabas din ng pahayag ang Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil sa naturang report.

Tinuligsa ng DILG ang 2021 Country Report on Human Rights Practices ng US State Department ukol sa mga umano’y pang-aabuso ng security forces sa Pilipinas.

Sa isang statement, tinawag ni DILG Secretary Eduardo Año ang report na ‘sweeping, rhetorical, and unfounded.’

Giit ng kalihim, inulit-ulit lang ang walang basehang akusasyon na hinugot sa traditional at social media na malayo sa katotohanan.

Sa nasabing US report, sabi ni Año na minamaliit lang nito ang mga ginawa at sakripisyo ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagbuwis ng buhay para tuparin ang sinumpaang tungkulin na labanan ang  iligal na droga at kriminalidad.

Una nang binanatan ng Malakanyang ang US state Department kaugnay ng kanilang human rights violations report laban sa Duterte Administration.

Sa nilabas na statement ni acting Presidential Spokesperson Martin Andanar, tinawag ito ng Palasyo na ‘rehashed at recycled’ issues na pilit ibinabato ng mga kritiko ng Administrasyong Duterte.

Kinuwestyon din ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang nasabing ulat at ipinuntong maituturing pawang ‘innuendo’ at isang ‘witch-hunt’ ang mga akusasyon na walang kaukulang datos.

Samantala, nakiisa ang DILG sa DND sa paghamon sa US Department of State na patunayan ang kanilang akusasyon upang maayos na matugunan ito sa pamamagitan ng mga panloob na mekanismo at mga korte.

Follow SMNI News on Twitter