Unang araw ng BSKE 2023 campaign period, pangkalahatang mapayapa—PNP

Unang araw ng BSKE 2023 campaign period, pangkalahatang mapayapa—PNP

WALANG anumang uri ng insidente na may kaugnayan sa paparating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), ang naitala ng Pambansang Pulisya batay sa kanilang monitoring sa pag-uumpisa ng campaign period sa bansa.

Sa mensaheng ipinadala sa SMNI News ni PNP acting PIO Chief Police Col. Jean Fajardo, inihayag nito na pangkalahatang naging mapayapa ang pag-uumpisa ng pangangampanya sa mga kandidato ng barangay elections sa Oktubre 30.

“As per monitoring po of PNP PCC, generally peaceful po ang first day ng campaign period as no significant untoward incident recorded po,’’ ayon kay Col. Jean Fajardo, Acting Chief, PNP-PIO.

187K pulis, opisyal na ipinakalat para sa 10-day BSKE 2023 campaign period

Giit ng PNP, malaking tulong anila ang maaga nilang paghahanda para sa nakatakdang halalan ngayong taon.

Sa katunayan, tinatapatan agad nila ng halos 200,000 pulis na ipinakalat sa buong bansa para matiyak na walang magiging gulo o maitatalang karahasan sa gitna ng kampanya hanggang sa araw ng botohan.

“Ang mga total na ide-deploy natin for purposes of BSKE is nasa 187,000 plus PNP personnel nationwide ‘yan. So bukas nga po dahil start ng campaign period ay asahan niyo naka-heightened alert na ang PNP in preparation nga dito sa 10 araw na campaign period. Magtutuloy ito hanggang sa araw ng election at kadikit na rin ‘yan ‘yung Undas nation so diretso na itong security coverage ng PNP,” saad pa ni Col. Fajardo.

Ilegal na pangangampanya ng mga kandidato sa BSKE, mahigpit na babantayan ng PNP

Samantala, bilang katuwang ng Commission on Elections (COMELEC), nagbabala ang PNP sa lahat ng mga kumakandidato na iwasan ang mga ilegal na paraan ng pangangampanya.

Kasabay ng paghimok sa publiko na isumbong sa kanila ang mga nakikitang paglabag sa ipinatutupad na guidelines ng COMELEC ngayong panahon ng halalan.

Ilan sa mga ito ang mahigpit na pagbabantay sa vote buying, maling sukat ng posters at tarpaulines at maging ang paglalagay ng mga ito sa hindi tamang lugar.

Gayunman, hindi rin ligtas ang sinumang pulis na maoobserbahang nagbibigay ng espesyal na suporta sa sinumang kandidato ay maaari itong maharap sa kaukulang disiplina, bukod lamang doon sa mga pulis na tanging ginagawa lamang ay magbigay ng seguridad para matiyak na walang mangyayaring gulo o may nakikitang banta sa seguridad ng mga kandidato.

Follow SMNI NEWS on Twitter