NAGING maayos at organisado ang unang araw ng overseas voting sa Malaysia.
Daan-daang overseas Filipino workers (OFW) ang nakiisa sa unang araw ng Overseas voting sa Malaysia.
Dakong 8:30 ng umaga nitong Abril 10, pormal nang nagsimula ang botohan para sa 2022 elections sa bansa.
Naging maayos, organisado at maganda ang takbo ng proseso ng unang araw ng overseas absentee voting sa Malaysia.
Pinangunahan ito ni Philippine Ambassador to Malaysia Charles Jose.
Sa katunayan, bumoto na rin ang embahador kasama ang kaniyang maybahay na si Maria Victoria Jose at ang anak nito na si Charlene.
Matapos pangunahan ang pagboto, hinikayat ni Ambassador Jose ang lahat ng mga rehistradong botante sa Malaysia na gamitin ang kanilang karapatan at tungkuling sibiko para bumoto.
At para masigurong mapapanatili ang health protocols partikular ang physical distancing sa gitna ng botohan, sampung botanteng Pilipino lamang ang pinapapasok sa voting area para makaboto.
Matapos bumoto, nakapanayam ng SMNI News Malaysia ang ilan sa ating mga kababayan.
Para kay Rodelyn Hadi isang kasambahay sa Malaysia, sa loob ng 26 na taon niyang pamamalagi sa bansa, ito ang unang pagkakataon para bumoto.
Aniya nahikayat siyang bumoto dahil sa nakita niyang pag-unlad at pagbabago sa Pilipinas magmula nang mamuno si Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Bukod pa rito, naging daan rin aniya ang SMNI at si Pastor Apollo C. Quiboloy para lubos na malaman ang mga plataporma ng bawat kandidato sa ating bansa.
‘’Excited akong bumoto kasi 2016 nong na-elect si Presidente Duterte, so nakita ko yung change, so dun ako parang talagang something change coming so talagang nagpursige akong bumoto o magparegister para makaboto ngayong election 2022. At saka, actually naging daan ang SMNI na malaman ko yung platform ng ibang candidates at upang malaman ko kung sino na talaga yung para sa pagbabago ng Pilipinas. I never knew other candidates, nung nagkaroon ng SMNI Presidential Debates, actually dun ko nalaman na may iba pa palang kandidato na may ibang plataporma. Pangalawa, gutong-gusto ko yung platform based nila, tapos walang siraan. Malalaman mo kung ano yung balak nila para sa Pilipinas. So ‘yon, kudos sa SMNI. Kay Pastor Apollo Quiboloy. Thank you so much sa pagbibigay nyo ng platform sa Presidential Debate para makilala pa namin yung mga kandidato. Ipagpatuloy niyo po yung magandang adhikain niyo para sa bayan at sa Pilipinas. Mabuhay Pilipinas,’’ ayon kay Rodalie Hadi, OFW sa Malaysia.
Para naman kay Arlyn Lamban at sa ilan pang botante.
Mahalaga ang kanilang boto dahil ito aniya ang magbibigay daan upang maipagpatuloy ang nasimulang pagbabago sa ating bansa.
‘’Ah its not be wasted actually, binigyan ko talaga ng panahon para magboto ako, para i-continue yung kung ano ang nasimulan para sa pagbabago ng Pilipinas, so gusto ko siyang ipaglaban at i-continue ang nasimulang pagbabago ng Pilipinas,’’ ayon kay Arlyn Lamban, OFW.
‘’In my opinion syempre gusto ko mapabuti yung Pilipinas lagi, yung kung ano yung sa Pilipinas para sa Pilipinas, kumbaga yung pagpapaganda nito pagpapatuloy nong proyekto na dapat talaga nakalaan para sa Pilipinas at mga Pilipino, ituloy lang para tuloy-tuloy yung progreso natin, yan yung hino-hope ko para sa susunod na Presidente,’’ saad ni Mark Anthony Marcelo, OFW.
Pero kung si Jocelyn Saclo naman ang tatanungin, ginamit niya ang kaniyang boto para sa proteksyon at kapakanan ng kapwa niya OFW.
Aniya nais niya na magkaroon ang Pilipinas ng gobyernong makikinig sa hinaing ng katulad niyang manggagawang Pilipino na nakikipagsapalaran sa ibang bansa.
‘’Yung hope ko syempre marami siyang matulungan na Pilipino at the same time pakinggan niya yung sinasabi ng mga Pilipino kasi magse-serve siya sa Philippine people, so dun siya unang makikinig at dapat marami siyang ma-implement na mga project na ipinangako niya nong nangangampanya pa lang siya para mas tumaas yung trust ng mga bumoto sa kanya, sana magkaroon ng mas maige na program para madinig yung mga problems namin, yung iba na may mga problems bilang OFW,’’ paliwanag ni Jocelyn Saclo, OFW.
Samantala, payo naman ng embahada sa mga botanteng tutungo sa kanilang tanggapan sa mga susunod na araw, huwag kalimutan ang kanilang mahalagang dokumento partikular ang kanilang pasaporte.
Kinakailangan anila ito upang ma-verify sa voter’s list ang kani-kanilang mga pangalan.
May ilang OFW kasi na hindi nakaboto nitong linggo dahil hindi raw nila dala ang kanilang passport matapos hawakan ng kanilang agency para sa pag proseso ng kanilang working visa.
Pero payo ng embahada, dalhin lamang kahit photocopy ng kanilang passport, pero mas maigi pa rin anila kung madala ang original passport.
Sa kabuuan, naging maayos ang naging takbo ng unang araw ng overseas voting sa Malaysia sa tulong narin ng mga kawani ng election committee ng Philippine Embassy.
Inaasahang tatagal hanggang isang buwan o hanggang sa mismong araw ng botohan sa Mayo 9 ang Overseas voting sa Malaysia.
Mananatili anilang bukas ang Philippine Embassy mula Lunes hanggang Linggo para tumanggap ng rehistradong botante.
Samantala, umaasa ang embahada na mas marami pang kababayan nating Pilipino ang darating sa susunod na araw habang papalapit ang national election sa Mayo 9.