MAAYOS at systematic ang naging pamamahagi ng Pfizer COVID -19 vaccine sa Marikina sa unang araw ng kanilang vaccination rollout ng nasabing brand.
Ayon kay Marikina Mayor Marcy Teodoro, matagal nang nakapagrehistro sa online booking system ng siyudad ang mga naturukan.
“Noong nagparehistro sila 3 weeks ago 4 weeks ago ay yun yung brand na kanilang inilagay doon sa kanilang pre-registration. Kaya nakita natin yung bakunang preference nila. 3 weeks ago, 4 weeks ago hindi pa naman available yung Pfizer,” pahayag ni Teodoro.
Para mapanatili ang maayos na sistema, walang walk-in na binakunahan.
Pagpasok naman sa loob ng vaccination site, maayos palagi ang pila.
Dahil mabilis masira ang Pfizer vaccine kapag hindi agad naiturok, mabilisan din ang inoculation ng health workers.
Bakas naman ang saya sa mga nabakunahan ng Pfizer.
“Nakadagdag ito ng vaccine confidence hindi dahil Pfizer kundi nadagdagan, may diversified portfolio of vaccine tayo. Ibig sabihin nadagdagan yung brand ng bakunang pwedeng pagpilian,” ayon kay Teodoro.
Bukod sa Pfizer, patuloy din ang vaccination sa Marikina gamit ang Sinovac- ang dalawang vaccine brand na hawak ng siyudad.
Inatasan naman ng Department of Interior Local Government (DILG)ang mga local chief executive na huwag ianunsyo ang brand ng bakunang ituturok sa mga residente.
(BASAHIN: Non-disclosure ng COVID-19 vaccine brand, muling pag-isipan —Hontiveros)
Sa kabila ng may kalayaang mamili ng vaccine brand sa Marikina City, nilinaw naman ni Teodoro na kung anong brand lamang ang mayroon ang pipiliin ng mga residente.
“Kung ano yung available vaccine, pinapayagan natin silang makapamili pero kung wala yung available vaccine na pipiliin nila mamimili lamang sila doon sa kung anong meron at ano yung available. So, hindi absolute to. Hindi absolute yung karapatang na pumili. Kundi ang pagpili ay ayon lamang doon sa available na suplay ng bakuna. Hindi natin ini-encourage na mamili. Pero binibigay lang natin yung pagkakataon na makapili kung ano yung available na bakuna,” ayon kay Teodoro.