NADISKUBRE ng bansa ang unang kaso ng P.1 COVID-19 variant na galing sa Brazil ayon sa Department of Health (DOH).
Ayon sa ahensiya, natagpuan ang nasabing variant sa isang returning overseas Filipino (ROF) mula sa Western Visayas matapos ang isinagawang sequencing ng 752 samples ng Philippine Genome Center.
“The one case found with the P.1 variant is an ROF from Brazil. Additional information abut the case is currently being investigated,” ayon sa pahayag ng ahensiya.
Unang nadiskubre ang P.1 variant sa Japan ng National Institute of Infectious Diseases (NIID) sa apat na biyahero mula sa Brazil.
Samantala, nakumpirma rin ng DOH ang 59 bagong kaso ng B.1.1.7 o UK variant, at 32 na bagong kaso ng B.1.351 ng South African variant sa bansa.
Dahil dito, umabot na sa kabuuang bilang ng kaso ng UK variant sa bansa sa 177 habang nasa 90 naman ang kabuuang bilang ng South African variant.
Sa bagong kaso ng UK variant, 30 dito ay mga lokal, 16 mga ROF, at ang 11 ay kasalukuyan pang kinukumpirma.
Ang 16 local cases ay mula sa Cordillera Region, 10 mula sa Metro Manila, dalawa mula sa Central Luzon, at dalawa mula sa Calabarzon.
Sa South African variant, 19 mula sa Metro Manila, isa mula sa Cagayan Valley, isa naman mula sa Northern Mindanao at isang ROF.
Kinukumpirma pa ang lokasyon ng natiritang 10 na may kaso ng African variant.