Unang tranche ng fuel subsidy, target na maipamahagi ngayong buwan –NEDA

Unang tranche ng fuel subsidy, target na maipamahagi ngayong buwan –NEDA

INIHAYAG ni National Economic Development Authority (NEDA) Secretary Karl Kendrick Chua, ngayong buwan ng Marso ay target na maipamahagi ang P2.5-B na fuel subsidy para sa mga apektadong public utility vehicles (PUVs) ng oil price hike.

Kasunod ito sa naging hidwaan sa pagitan ng Ukraine at Russia kaya’t naapektuhan ang presyo ng petrolyo sa bansa.

Maliban dito, asahan naman sa Abril ng taon ay ipamamahagi rin ang pangalawang subsidiya.

Kasabay nito, nais ng NEDA na doblehin ang fuel subsidy para sa mga PUV.

“We are proposing the following interventions, the first is to increase fuel subsidy program for public utility vehicles from the already announced 2.5 billion to 5 billion,” ani Chua, upang pigilan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis na pinalubha ng sigalot sa pagitan ng dalawang bansa.

Dagdag ng opisyal, nakikipagtulungan na ngayon ang ahensya sa mga pribadong kumpanya ng langis.

“Number two is to continue working with the private firms on promotional discount of oil companies up to P1 to P4 per liter discount so this will help alleviate additional for the jeepneys and the other PUVs,” dagdag nito.

Sinabi pa ng kalihim, kailangan ding dagdagan ang oil buffer stock ng bansa mula sa kasalukuyang 30 hanggang 45 araw pero mangangailangan pa raw ito ng batas kaya’t makikipagtulungan ito sa Kongreso.

Itinutulak din ang karagdagang fuel voucher para sa mga agricultural producer sa pamamagitan ng pagtaas ng budget mula P500 milyon hanggang P1.1 bilyon, para ipamahagi sa Marso at Abril 2022.

Kumpiyansa naman ang kalihim na malalampasan ng bansa ang problema sa langis dahil mayroon namang ginagawang paghahanda upang matulungan ang mga Pilipino.

Follow SMNI News on Twitter