Unemployment rate sa Sabah, tumaas dahil sa pandemya

MALAKING porsiyento ang itinaas ng unemployment rate sa estado ng Sabah sa Malaysia simula nang manalasa ang COVID-19 pandemic.

Ayon kay Sabah Science, Technology and Innovation Minister Datuk Yakub Khan, ang unemployment rate ay nasa 8% noong 2020 at umakyat sa 9% noong 2021.

Sinabi niya na ang unemployment rate ay 5.8% noong 2019, bago tumama ang pandemya.

Dagdag niya na ang mataas na unemployment rate ay lubhang nakababahala subalit maraming isinasagawang pagsisikap upang mabawasan ito, patuloy na rin aniyang nakikipagtulungan ang kanilang tanggapan sa iba pang state at federal agencies.

Kabilang sa mga pagsisikap, aniya, ay ang MYFutureJobs portal kung saan naitalang higit sa isandaan at labing isang libong indibidwal ang aktibong naghahanap ng trabaho sa Sabah at Labuan.

Tinataya namang may kabuuang apatnaput tatlong libo o higit pang oportunidad ang iniaalok sa mga naghahanap ng trabaho noong Marso 22.

Sinabi rin niya na higit walong libo ang nakahanap ng trabaho mula 2021 hanggang Pebrero 2022.

Sinabi ni Yakub na ang kanyang ministeryo ay nagpaplano rin na magtayo ng isang Technical University sa Sabah sa pakikipagtulungan ng Majlis Amanah Rakyat (MARA).

Kabilang sa kapamaraanan para mabawasan ang unemployment sa Sabah ay ang pagtulong para makahanap ng trabaho para sa person with disabilities na ipinatupad sa pamamagitan ng Human Resource Development Department at Social Security Organization (SOCSA) noong nakaraang taon.

Follow SMNI NEWS in Twitter