HABANG patuloy na lumalala ang hidwaan sa pagitan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay naniniwala si Sen. Imee Marcos na solid pa rin ang samahan ng kaniyang kapatid at ni Vice President Sara Duterte.
Painit ng painit ang tensiyon sa pagitan nina dating Pangulong Duterte at Pangulong Marcos.
Hudyat na nga ba ito ng tuluyang pagkawasak ng tinaguriang “UniTeam”?
Para kay Sen. Imee, wala naman aniya sa dalawang haligi ng “UniTeam” na sina Pangulong Marcos at Vice President Sara Duterte ang problema.
Giit niya, ang tunay na magugulo ay ‘yung mga nakapaligid sa dalawa.
“Sa palagay ko ang Uniteam ay may tama na pero sa palagay ko ‘yung mga principal hindi naman magulo eh. ‘Yung magulo, ‘yung mga amuyong jan sa tabi-tabi,” ayon kay Sen. Imee Marcos.
Tinawag niyang mga ahas at demonyo na nasa Malakanyang ang mga nakapalibot kina Pangulong Marcos at VP Sara.
“’Yung mga demonyo at ahas sa laylayan ng Palasyo. Eh talagang mahirap jan eh. Nung bata pa ako tinawag ko na ‘yang snake pit ang Malakanyang. Lahat nagulat pati ang tatay ko, bakit ko sinasabing kong ganun. Ang lupit ko daw, pero totoo naman eh. Ganyan talaga eh,” wika ni Sen. Imee.
At sino nga kaya ang papanigan niya sakali’t lumala ang tenyon?
“Why should I be required a choice? Mahal ko silang lahat. Ang ayoko ‘yung nakakasira sa aming panggalan. So ipagtatanggol ko. Alam mo hirap na hirap kamo, 36 years ‘yan pinaglaban matapos ‘yung EDSA,” ani Sen. Imee.
Ipinagtatanggol ni Sen. Imee ang samahang Duterte-Marcos dahil ito rin aniya ang nagbigay ng 2nd chance o pagkakataon para sa kanilang pamilya.
Sinabi ni Imee na ang totoong kalaban na sumisira sa kasalukuyang administrasyon ay ang People’s Initiative, na para sa kanya ay may kumpas mula sa kaniyang pinsan na si House Speaker Martin Romualdez.