PINAG-iingat ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang publiko sa bagong modus ng mga scammer gamit ang mga hindi rehistradong SIM card.
Ayon kay PNP-ACG Director PBGen. Sydney Hernia, bumibili ng unregistered SIM card ang mga scammer pero hindi nila ipinaparehistro.
Dahil hindi nakarehistro, ang SIM card ay walang outgoing call at text pero maaaring tumanggap ng call at text.
Ginagamit ng mga scammer ang ganitong sistema para makakuha ng one-time password (OTP) sa pagbubukas ng account sa mga social messaging app tulad ng WhatsApp, Telegram, at Viber.
Sa pamamagitan ng mga account ay nakakapagpadala ang scammer ng spam messages, links at iba pa habang nanatiling anonymous sa kabila ng SIM Registration Law.