Unvaccinated na mga indibidwal, mawawalan ng maraming pribilehiyo sa Malaysia- Prime Minister

Unvaccinated na mga indibidwal, mawawalan ng maraming pribilehiyo sa Malaysia- Prime Minister

MAWAWALAN ng maraming pribilehiyo sa Malaysia ang mga unvaccinated na mga indibidwal ayon kay Malaysian Prime Minister Ismail Sabri Yaakob.

Inihayag ni Prime Minister Datuk Seri Ismail Sabri Yaakob na dapat ikonsidera ng mga hindi pa nabakunahan na indibidwal ang pagbabakuna kontra COVID-19.

Ayon sa Prime Minister, ang pagbabakuna ay hindi sapilitan subalit mawawalan aniya ng maraming pribilehiyo ang sinumang tumangging magpabakuna.

Aniya, ang unvaccinated na mga indibidwal ay hindi pahihintulutang makapagbiyahe pabalik sa kanilang bayan.

Bukod pa rito, hindi rin sila makakapunta sa kanilang Umrah o posibleng gampanan ang Haj sa susunod na taon kapag pinayagan ito ng Saudi Arabia dahil ang pinahihintulutan lamang na makapagbiyahe ay fully vaccinated individuals.

Dagdag nito na hindi rin sila mabibigyan ng pagkakataon na kumain sa mga restaurant kasama ang kanilang mga pamilya at manalangin sa mosque.

Samantala, patuloy na hinihikayat ni Prime Minister Ismail Sabri ang mga mamamayan na magpabakuna na laban sa sakit.

SMNI NEWS