UP President, ikinabahala ang naging hakbang ng Department of Defense

PINAREREKONSIDERA ni University of the Philippines (UP) President Danilo Concepcion kay Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pasya nito na tapusin na ang matagal nang kasunduan na nagbabawal sa presensya ng military at pulis sa mga campus nito.

Sa liham ni Conception kay Lorenzana, nagpahayag ito ng matinding pagkabahala sa naging hakbang ng kalihim kasabay ng pagsasabi na hindi ito nararapat at katanggap-tanggap.

Ayon kay Conception, maaring magresulta ang unilateral abrogation ng posibleng mapalala sa halip na mapabuti ang relasyon sa pagitan ng Department of National Defense at UP.

Magreresulta rin aniya ang desisyon ni Lorenzana ng kalituhan at pagkawala ng tiwala ng publiko sa pulisya at militar.

Dagdag pa ng UP president, nakakalungkot na pinutol ng DND ang kasunduan sa sarili lamang nitong pagpapasya at walang anumang konsultasyon sa UP management upang matugunan ang mga concern na inihayag ng DND sa kanilang liham.

UP, safe haven ng kalaban ng estado — Lorenzana

Samantala, sinabi naman ni Lorenzana na naging safe haven na mga kalaban ng estado ang University of the Philippines (UP).

Ito ang naging depensa ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kasunod ng kanyang pagkansela sa kasunduan sa UP na nagbabawal sa pagpasok ng state forces sa unibersidad nang walang pahintulot.

Sa isang pahayag, sinabi ni Lorenzana na ang kasunduan na nilagdaan noong 1989 ay bilang paggalang lamang sa kahilingan noon ng UP at matagal na itong “obsolete”.

Ayon sa Defense Sec., sa paglipas ng panahon ay tila naging breeding ground na ng komunismo ang tinuring na premier state university ng bansa at naging kanlungan na ito ng mga kalaban ng estado.

Binigyan-diin din nito na ang pagbuwag sa UP-DND Accord ay alang-alang sa kinabukasan ng kabataan at ng lahat.

Hinimok naman ni Lorenzana ang UP community na magkaisa para maprotektahan ang mga estudyante mula sa extremism at marahas na armadong pakikibaka.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.