UP, titiyaking wala pa ring makakapasok na puwersa ng pamahalaan sa mga unibersidad nito

HINDI papayagan ng University of the Philippines (UP) na makapasok ang mga pulis at militar sa kanilang eskuwelahan sa kabila ng terminasyon ng UP-DND Accord.

Ang UP-DND Accord ay kasunduang nagbabawal na makapasok ang state forces o puwersa ng pamahalaan sa mga bisinidad ng UP.

Sa panayam kahapon kay UP Sociology Professor at Chairman ng Office of Community Relations, Contend-UP, Gerry Lanuza, tiniyak nito na walang makakapasok na puwersa ng pamahalaan sa mga bisinidad ng University of the Philippines.

Ito’y sa kabila ng terminasyon o pagsasawalang bisa sa UP-DND Accord na nilagdaan noong taong 1989.

Ani Lanuza, haharangin nila ang sinumang pulis o militar na magtatangkang pasukin ang kanilang paaralan.

Kung ipipilit aniya ng mga otoridad ang pagpasok sa paaralan, dito na aniya magkakasubukan.

Nangangamba si Lanuza na sa pagsasawalang bisa ng UP-DND Accord ay mangyayari ang operasyon sa loob ng kanilang paaralan gaya ng pag-aresto sa mga estudynate na may kinalamam sa aktibismo.

Ani Lanuza, kung ang pag-aaklas o rally ay maituturing aniya na komunismo, tatanggapin aniya nito ang pagkilalang ito ng pamahalaan.

Nanindigan ang UP na isang pagkitil sa academic freedom ng kanilang mag-aaral ang pagkaputol ng UP-DND Accord na sinang-ayunan din ng pangulo nito ng pamantasan.

Dagdag pa ni Lanuza, ayaw nito na maulit ang mga nangyaring karahasan sa mga aktibista noon na nawala at napatay.

Magpapatuloy din ang kanilang mga aktibidad sa loob ng paaralan sa mga pagkondena sa mga nangyayari sa lipunan at sa kasalukuyang administrasyon.

Sa kabilang banda, isang rebelasyon ang ipinalabas ni Former Senate President Juan Ponce Enrile na nagpapaliwanag na wala siyang kinalaman sa Soto-Enrile Agreement o UP-DND Accord.

Sa kaniyang post sa social media, taong 1986 nang iwan niya ang DND post pero lumalabas na taong 1989 nang pirmahan nito ang kasunduan.

May plano ang student regent ng UP at mismong administrasyon nito na iapela ang kasunduan upang mapanatili anila ang UP-DND Accord.