ISINAGAWA ng US government ang pagbitay sa nag-iisang babae sa federal death row – ang convicted murderer na si Lisa Montgomery, nitong Miyerkules, Enero 13 ng umaga.
Si Montgomery ang kaunahang babae sa Amerika na sumailalim sa death sentence simula noong taong 1953.
Nahatulan si Montgomery noong 2007 sa salang pagdukot at pagsakal sa isang babaeng walong buwang buntis na si Bobbie Jo Stinnett kung saan ay nailigtas pa ang sanggol sa kanyang sinapupunan.
Isinagawa ang pagbitay sa pamamagitan ng lethal injections ng pentobarbital, isang powerful barbiturate sa execution chamber ng Justice Department sa Terre Haute, Indiana.
Una nang humiling ng clemency ang mga abogado ni Montgomery kay Pangulong Donald Trump na anila ay nagawa ng suspek ang krimen dahil sa karanasan ng kanilang kliyente noong ito ay bata pa kung saan nakararanas ito ng paulit-ulit na sexual abuse mula sa stepfather at mga kaibigan nito.
Ayon sa mga abogado, nararapat lamang na ibaba sa habambuhay na pagkakulong ang parusa para kay Montgomery dahil sa mental problem nito.
Isa si Montgomery sa tatlong mga nakatakdang bitayin ngayong linggo. Isasagawa naman ang pagbitay sa dalawang iba pa ngayong Huwebes at Biyernes.