INIHAYAG ng mga diplomatiko mula sa Japan at South Korea na suportado nito ang pagresponde ng Estados Unidos sa pinagsususpetyahang Chinese spy balloon.
Kasunod ng pagpupulong kasama si US Deputy Secretary of State Wendy Sherman sa Washington, nagpahayag ng suporta si Japanese Vice Foreign Minister Takeo Mori at South Korean counterpart nito na si Cho Hyun Dong sa Estados Unidos sa gitna ng lumalalang tensyon sa pagitan ng Washington at Beijing.
Ayon kay Mori, handa ang Japan na makipag-ugnayan sa Amerika at inaasahan na makakatanggap pa ng mas maraming impormasyon.
Samantala inihayag naman ng Vice Foreign Minister ng South Korea na bilang kaalyado ng Estados Unidos ay may tiwala ito sa pahayag ng nasabing bansa.
Binigyang-diin naman ni Sherman sa trilateral meeting na naniniwala ang Amerika na ang lobo na ito ay isang surveillance apparatus mula sa China.
Matatandaan na kamakailan lamang ay itinumba ng militar ng Estados Unidos ang malaking lobo na lumilipad sa coastline ng South Carolina na malapit naman sa sensitive sites sa Montana.